Higit P200B maintenance funds ng DPWH, kinuwestiyon ni Cayetano

Higit P200B maintenance funds ng DPWH, kinuwestiyon ni Cayetano

November 16, 2022 @ 10:14 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Matinding kinuwestiyon ni Senador Alan Peter Cayetano ang maintenance funds ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umabot sa ikatlong bahagi ng badyet nitong P737.3 bilyon sa susunod na taon.

Sa kanyang interpelasyon sa ginanap na deliberasyon sa plenaryo ng badyet sa 2023, sinabi ni Cayetano na hindi gagastusin ang mahigit P200 bilyon sa pagtatayo ng bagong impraestruktura kundi para sa pagmementeni ng kasalukuyan.

Aniya, aabot sa mahigit P200 biyon ang pondong mapupunta sa maintenance, repair, at rehabilitation mula sa P737.3 bilyong badyet ng ahensiya sa susunod na taon.

“So this is not a Build, Better, More budget, this is a maintenance budget,” ayon kay Cayetano.

“Is there something wrong with the kind of public works that we do?… Ibig sabihin either hindi maganda yung pagkagawa o napakaluma na?” dagdag niya.

Sinabi naman ni Senate committee on finance chairman Sonny Angara na kasalukuyang naghahabol ang DPWH sa asset preservation program.

Pero, iginiiit ni Cayetano na mas kailangan ang mas malaking pondo para sa bagong proyekt, kabilang ang farm-to-market roads.

Aniya, dapat ipaalam ng DPWH kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na malaking bahagi ng badyet nito ay nakalaan sa repair, maintenance, at rehabilitation ng nakaraang proyekto.

“Because umaasa siya na Build, Better, More ito, eh, “ aniya.

Nagmula ang naturang badyet sa National Expenditure Program na isinumite ng Palasyo.

Inaprubahan naman ng House of Representatives ang naturang ₱737.3 billion na pinanatili ng Senate committee on finance ni Angara. Ernie Reyes