Higit P29.6M tulong naibigay na sa mga biktima ni ‘Karding’

Higit P29.6M tulong naibigay na sa mga biktima ni ‘Karding’

September 29, 2022 @ 10:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tinatayang umabot na sa P29.6 milyong halaga ng tulong ang naipamahagi na ng  Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga naging biktima ng bagyong  Karding.

“Nasa P29.6 million  na ang naipamahaging tulong ng DSWD. And then katuwang natin dito siyempre ang mga LGUs at ilang pong NGOs,” ayon kay DSWD spokesperson Rommel Lopez.

Ang mga rehiyon ani  Lopez na labis na naapektuhan ng nasabing bagyo ay ang  Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at Cordillera.

“With new data coming in, the number of houses that sustained damage grew exponentially to almost 12,000. Most of these reports came from Calabarzon, Cagayan, and Central Luzon,” ayon kay Lopez.

Inamin nito na nahihirapan ang DSWD personnel sa pagdadala ng  relief o tulong sa Polilo Island at General Nakar sa Quezon.

“Ang atin pong concentration po ‘yung medyo nahihirapan po talaga tayo, siyempre ‘yung Polillo Island po, medyo nahihirapan pa rin po tayong mag-transport diyan,” ani Lopez.

“Bukod sa Polilo, ‘yung area po ng General Nakar, nahihirapan pa rin tayo diyan pero nagagawan na naman po ng paraan,” wika pa nito.

Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang  DSWD sa ibang ahensiya ng  pamahalaan gaya ng  Armed Forces of the Philippines para madala ang  relief goods sa mga naging biktima ni bagyong Karding.

Kahapon, araw ng Miyerkules, Setyembre 28, sinabi ng  National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may 10 katao ang naiulat na namatay habang  8 naman ang nawawala dahil kay bagyong  Karding.

May kabuuang 157,023 katao o 39,893 pamilya naman ang apektado ng bagyong  Karding sa 1,318 barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at CAR.

Mula sa kabuuang apektadong populasyon, mayroong 37,135 katao o 8,825  pamilya ang nananatili sa loob ng 574 evacuation centers, habang  15,759 indibiduwal o 3,778 pamilya ang namamalagi sa ibang lugar. Kris Jose