Higit P3 milyon halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust

Higit P3 milyon halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust

June 16, 2018 @ 7:28 PM 5 years ago


Caloocan City – Nakumpiska ng mga awtoridad ang mahigit P3 milyon halaga ng shabu sa tatlong hinihinalang drug pushers na naaresto ng mga pulis sa buy-bust operation kagabi.

Kinilala ng bagong upong District Director ng Northern Police District (NPD) na si Chief Supt. Gregorio Lim ang mga naarestong suspek na sina Jonalyn Tayao, 28; Roman Mariano, 28 – Top 1 at Top 2 sa drug watch list ng Brgy. 59; at Noraisa Lumabao, 48, ng Asero St., Muntilupa City.

Ayon kay Caloocan police chief Senior Supt. Restituto Arcanghel, ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PSI Cecilio Tomas Jr. ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa loob ng No. 123 8th Avenue, Daang Bakal St. Barangay 59 dakong alas-6:30 ng gabi matapos ang natanggap na ulat hinggil sa pagbebenta ng mga ito ng shabu.

Matapos iabot ng mga suspek ang isang plastic ng shabu kay PO1 John Michael Limarez na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P11,000 marked money ay agad inareston ang mga ito.

Narekober ng mga pulis sa mga suspek ang isang kahon na bakal na naglalaman ng 19 piraso transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa 455 gramo at tinatayang mahigit P3 milyon ang halaga, timbangan at P11,000 buy-bust money.

Iprinisinta sa media nina National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar, NPD DD Chief Supt. Lim at Sr. Supt. Arcangel ang mga nakumpiskang iligal na droga at marked money.

Ipinag-utos na ni NPD Director Chief Supt. Lim ang pagsama ng kasong paglabag sa  Sec. 11 at Section 5, Art 2 of the R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 kontra sa mga suspek Caloocan City Prosecutors Office. (Rene Manahan)