Higit P31M medical supplies, gamot inihanda ng DOH para sa mga apektado ng bagyo

Higit P31M medical supplies, gamot inihanda ng DOH para sa mga apektado ng bagyo

October 31, 2022 @ 8:00 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Aabot sa P31,063,736.14 halaga ng gamot, medical supplies at iba pang commodities ang inihanda ng Department of Health (DOH) sa mga rehiyon na apektado ng matinding hagupit ng bagyong Paeng.

Sinabi ng DOH na ang mga suplay ay ipinadala sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Caraga, Bangsamoro Region, at National Capital Region (NCR) bago pa ang pananalasa ng bagyo.

Bukod dito, P72,803,656.64 na mga commodities ang inihanda para sa mobilisasyon sa DOH Central Office Warehouse.

“Bago pa po mag-landfall ang bagyo ay naghanda na ang DOH dahil alam po natin na marami ang maaapektuhan ng Bagyong Paeng,” sabi ni DOH officer-in-charge Health Secretary Maria Rosario Vergeire sa isang pahayag.

“Kaya po milyun-milyong halaga ng resources and other commodities ang atin nang na-preposition sa iba’t ibang [Centers for Health Development] upang mapadali at agad na ma-deploy ang mga ito kung kinakailangan,” dagdag pa ng Health OIC.

Dagdag pa ng DOH, nagdeploy Rin Ng human resources for health (HRH) sa 633 evacuation centers sa buong bansa upang masiguro na patuloy ang
pagkakaloob ng mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga lugar na tinamaan ng Paeng.

Ang mga HRH ang siyang inatasan na magsagawa ng screening at triage sa mga evacuees sa evacuation centers at ang pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan, nutrisyon, medikal, psychosocial, at water-sanitation-hygiene.

Nagsagawa rin sila ng mabilis na pagsusuri sa kalusugan upang suriin ang kalagayan ng mga apektadong indibidwal.

Ang mga DOH Regional Hospitals ay inilagay sa high alert upang maghanda para sa agarang deployment o augmentation pati ang inaasahang posibleng pagtaas ng hospital admissions .

Isinailalim din sa mahigpit na pagsubaybay ang mga apektadong health facilities kabilang ang cold chain facilities at kagamitan upang matiyak ang patuloy na operasyon.

Nakadeploy din ang kanilang mga health emergency management team at health emergency personnel upang subaybayan, iulat, at tumugon sa mga insidente sa kani-kanilang mga lugar ng responsibilidad.

Dagdag pa, sinabi ng DOH na ang lahat ng mga yunit nito ay nasa pinaigting na pagbabantay laban sa mga posibleng outbreaks ng waterborne at foodborne na mga sakit tulad ng influenza, leptospirosis, at mga sakit na dengue na maaaring mangyari kasunod ng pananalasa ng Paeng.

Iniulat din ng DOH na isinaaktibo nito ang Inter-Agency Committee on Environmental Health,na nakatakdang magpulong sa Nobyembre 4, upang pag-usapan ang mga paraan upang matugunan ang mga kamakailang acute gastroenteritis o diarrhea cases at cholera outbreaks na maaaring dulot din ng mga nagdaang bagyo at baha.

Tiniyak ni Vergeire na sa tulong ng mga lokal na pamahalaan ay walang hadlang at ang mga healthcare facilities ay laging handa na magbigay ng mga healthcare services sa mga pasyenteng naghahanap ng pangangalaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden