Higit P4M halaga ng kush nasamsam ng BOC

Higit P4M halaga ng kush nasamsam ng BOC

November 9, 2022 @ 6:08 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa mahigit P4 milyon halaga ng high grade marijuana o Kush na nagmula sa Estados Unidos ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark noong Oktubre 28, 2022.

Ayon sa BOC, nadiskubre ang mga ilegal na droga sa isang shipment na sinasabing naglalaman ng “fishing net” na dumating noong Oktubre 23 mula sa Azusa, California, USA.

Nauna dito, isinailalim sa physical examination ang nasabing kargamento dahil nagpakita ito ng kahina-hinalang imahe sa x-ray examination. Dahil dito, nadiskubre ang isang asul na Styrofoam sheet na naglalaman ng anim na vacuum-sealed na pakete ng mga tuyong dahon na hinihinalang ilegal na droga.

Kinumpirma naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang nakuha nilang mga sample na isinailalim sa chemical laboratory analysis ay nagtataglay ng Tetrahydrocannabinol/ Marijuana, isang mapanganib na gamot sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nasa 2,922 gramo ng High Grade Marijuana o Kush ang nadiskubre na tinatayang nasa P4.383 milyon ang halaga.

Inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention ang nasabing kontrabando dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d) at 1113 par. f, I & l (3 & 4) ng R.A. No. 10863 na may kaugnayan sa Section 4 ng R.A. No. 9165.

Sa ngayon, umabot na sa kabuuang halaga na P129 milyon na iligal na droga ang nasabat nang BOC-Port of Clark taon kasalukuyan. JAY Reyes