Higit P500M pondo na tulong sa cancer patients magagamit na – DBM

Higit P500M pondo na tulong sa cancer patients magagamit na – DBM

October 10, 2022 @ 3:59 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Maaari nang magamit hanggang sa pagtatapos ng 2023 ang P529.2 milyon halaga ng pondo para sa mga pasyenteng may cancer.

Ito ang inanunsyo ng Department of Budget and Management nitong Lunes, Oktubre 10 makaraan maglabas ng join memorandum circular ang DBM at Department of Health sa panuntunan ng paggamit ng Cancer Assistance Fund.

“Malaking tulong po para sa ating mga kababayan itong nakalaang pondo for cancer assistance na maaari na pong magamit sa mga DOH hospital access sites at iba pang health facilities sa bansa,” ani DBM Secretary Amenah Pangandaman sa isang statement.

“We hope that it will ease the burden of many cancer patients, as we know that cancer is one of the leading causes of morbidity and mortality amongst Filipinos,” dagdag pa niya.

Ang P529.2 milyon pondo ay kasama sa 2022 budget ng DOH sa ilalim ng Republic Act No. 11215 o National Integrated Cancer Control Act na nagbibigay ng pinansyal na ayuda sa mga cancer patients, persons living with cancer at mga survivor sa sakit.

Sakop rin g CAF ang outpatient at inpatient cancer control services.

Sa pagkuha ng cash-based budgeting system, maaaring magamit ng mga benepisyaryo ang pondong ito hanggang Disyembre 31, 2023.

Iiral naman ang bisa ng joint memorandum circular 15 araw makaraan itong ilimbag sa Official Gazette o pahayagan. RNT/JGC