Higit P55 milyon halaga ng pekeng sigarilyo at mga merchandise goods, kinumpiska ng BoC sa Tondo

Higit P55 milyon halaga ng pekeng sigarilyo at mga merchandise goods, kinumpiska ng BoC sa Tondo

July 25, 2018 @ 4:22 PM 5 years ago


 

Tondo, Manila – Tinatayang aabot sa mahigit P55 milyon halaga ng mga pekeng sigarilyo at mga merchandise goods ang kinumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa isinagawang pagsalakay sa isang warehouse sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Custom Commissioner Isidro Lapeña, sinalakay ng mga tauhan ng BoC-Enforcement and Security Service (ESS) ang isang bodega na matatagpuan sa 1515 Antonio Rivera St., Tondo kung saan nabuking ang may 120 karton ng mga pekeng sigarilyo na may mga tatak na Marlboro, Jackpot, More, Belmont, Fortune, at Two Moon.

Bukod sa mga pekeng sigarilyo, kinumpiska din ang mga nakaimbak dito na mga cellphone accessories at mga chargers, tatlong DVD replicating machines, at mahigit 300 kahon ng blangko na DVD’s.

Pekeng mga sigarilyo, nakumpisa ka BOC | REMATE FILE PHOTO | JHUN MABANAG

Pekeng mga sigarilyo, nakumpisa ka BOC | REMATE FILE PHOTO | JHUN MABANAG

Ayon kay Lapeña, bago nagsagawa ng pagsalakay ang mga tauhan ng BoC sa nasabing bodega ay nakatanggap ang kanilang opisina ng isang impormasyon hinggil sa mga nasabing kontrabando kaya’t nagsagawa sila ng “surveillance” bago isinagawa ang operasyon.

Ayon sa ESS, tinatayang nasa P45 milyon ang halaga sa nakumpiskang tatlong piraso na DVD replicating machine habang ang mga nakumpiskang mga pekeng sigarilyo at iba pang nakumpiskang kalakal ay aabot sa P10 milyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BoC, ang may-ari umano ng nasabing bodega ay sina Sonny Kho at Tito Yao. Kapwa wala ang dalawang nabanggit nang magsagawa ng operasyon ang custom sa nasabing lugar at tanging isang Reggy Tan na umano’y warehouse administrator lang ang naabutan ng mga awtoridad.

Ang mga nakumpiskang produkto ay isasailalim sa “seizure and forfeiture proceedings” dahil sa paglabag nito sa Republic Act No. 8293 o mas kilala na “Intellectual Property Code of the Philippines” at iba pang kaugnay na probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Tiniyak ni Lapeña na tuloy tuloy ang kanilang pagsisikap na labanan ang paglaganap ng mga pekeng produkto sa bansa upang mabigyan proteksyon ang mga mamimili. (Jay Reyes)