Higit P56M halaga ng shabu nasabat ng BOC

Higit P56M halaga ng shabu nasabat ng BOC

October 28, 2022 @ 4:59 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahigit P56 milyon halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) mula sa naarestong Norwegian national na may bitbit na bagahe na naglalaman ng 8.34 kilo ng nasabing iligal na droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Ayon sa BOC, inalerto ng isang ahente ng X-ray ang mga tauhan ng BOC-NAIA at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang screened baggage na pinaniniwalaang naglalaman ng ilegal na droga sa Terminal 3.

Nabatid na nagmula ang dayuhan mula sa Dubai sa pamamagitan ng Emirates Airlines EK334 kung saan ang point of origin nito ay sa Johannesburg, South Africa.

Ang nasabing bagahe na bitbit ng dayuhan ay isinailalim sa K9 sweeping at physical examination na nagresulta sa pagkakadiskubre ng 8.34 kilo ng (methamphetamine hydrochloride) o shabu. Kakasuhan ang pasahero ng paglabag sa Republic Act No. 9165, Comprehensive Drug Act, at RA 10863, Customs Modernization And Tariff Act (CMTA).

Matatandaan na nito lang buwan ng Agosto, inaresto rin ng mga awtoridad ang isang pasahero mula sa South Africa na nagtangkang magdala ng P144.3 milyong halaga ng shabu. JAY Reyes