Higit P649M educational aid naipamahagi na ng DSWD

Higit P649M educational aid naipamahagi na ng DSWD

September 5, 2022 @ 5:48 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Mahigit P649 milyong halaga ng educational assistance ang naipamahagi na sa target beneficiaries, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Lunes.

Sa isang public briefing, sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez na may kabuuang 257,285 estudyante ang nakatanggap na ng cash aid.

“Natutuwa po ang DSWD na ibalita na nasa 257,285 na po na mag-aaral o beneficiaries ang naabot po ng ating programa. Kabuuan pong halaga na naipamahagi sa kanila ay nasa P649 million,” paglalahad niya.

Sa kabuuang bilang ng beneficiaries na nakatanggap ng cash assistance, 85,000 ang college at vocational course students; 79,000 ang elementary students; 56,000 ang high school students; ang 36,000 ang senior high school students, base pa kay Lopez.

Inihayag ni Lopez na ang  DSWD ay mayroon pang P900 milyong pondo para sa educational cash aid program. Ayon pa sa kanya, P1.5 bilyon ang budget para sa programa saklaw ang 400,000 beneficiaries.

Nakatanggap na ng DSWD ang halos 2 milyong aplikasyon para sa educational assistance program.

Hanggang tatlong estudyante kada indigent family ang pwedeng makatanggap ng cash aid na nagkakahalaga ng P1,000 para sa elementary students, P2,000 para sa high school students, P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa tertiary students.

Ipamamahagi ang financial assistance sa DSWD central, regional, provincial, at iba pang local offices simula Agosto 24 kada Sabado hanggang Setyembre 24.

Para sa mga nais makatanggap ng cash assistance, pwedeng magpatala online o mag-email sa DSWD sa [email protected]

Inabisuhan din ang mga aplikante na maaaring bumisita sa DSWD website at social media accounts para sa iba pang detalye. RNT/SA