Higit P900M relief goods nakahanda na vs Odette- NDRRMC

Higit P900M relief goods nakahanda na vs Odette- NDRRMC

December 14, 2021 @ 1:30 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Mahigit P900 milyong halaga ng relief goods ang nakahanda para sa mga posibleng maapektuhan ng Tropical Storm Rai sakaling pumasok ito sa bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.

Sinabi ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal sa dzBB ba pinag-usapan na nila nitong Linggo ang mga paghahanda ng local disaster councils at local government units (LGUs) sa mga lugar na maaapektuhan ng tropical cyclone.

“On the part of the National Disaster Council, ang ating relief items and stockpiles ay more than P900 million worth pa at ito ay more than enough para ma-sustain ang ating operations para tulungan ang mga kababayan natin diyan sa mga maapektuhang communities,” aniya.

Dagdag pa ni Timbal, ipinamahagi na ang family food packs sa iba’t ibang warehouses ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang lokasyon na itinalaga ng LGUs.

“Kapag kailangan ng LGUs ng karagdagang supplies, nakakasa na po ‘yung logistical support para ma-transport itong family food packs at iba pang kagamitan agad-agad doon sa mga communities o municipalities na ‘yon,” sabi ni Timbal.

Patuloy pa niya, 10,000 barangays na madaling bahain at gumuho ang lupa ang inalertuhan na, habang nakahanda na rin ang deployment ng search and rescue teams para sa road clearing operations.

Inaasahang papasok ang tropical storm sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Martes ng gabi at papangalanang “Odette,” ayon sa PAGASA. RNT/SA