Higpit-seguridad ikinasa sa MRT-3, LRT-2

Higpit-seguridad ikinasa sa MRT-3, LRT-2

June 4, 2022 @ 9:30 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Naghigpit sa seguridad ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2)  sa lahat ng kanilang istasyon matapos isailalim ng Philippine National Police (PNP) ang Metro Manila sa “full alert” dahil sa mga pagbomba sa Mindanao kamakailan.

Batay sa ulat, pansamantalang ipinagbabawal sa mga pasahero ng MRT-3 ang pagdadala ng ilang kagamitan sa mga istasyon na magdudulot ng panganib gaya ng firearms, bladed weapons, at flammable substances.

Kabilang din sa naka-ban ang toxic chemicals, lighters, posporo, pesticides, muriatic acid, liquid hydrogen, at iba pa.

Nilinaw ni MRT-3 General Manager Michael Capati na ang pinahigpit na seguridad ay preventive measure lamang at wala silang natatanggap na anumang impormasyon na target ang tren.

“Wala naman kaming nakukuhang impormasyong na, specifically, na ganyan… Baka sakaling, mamaya, dumating sa Maynila. Naka-ready tayo,” ani Capati.

Bukod sa inspeksyon sa mga gamit ng mga pasahero at mga gumagalang K9 dogs sa lugar, ipinatutupad din ito sa lahat ng LRT-2 stations.

Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command na sinisilip nito ang local terrorist group na Abu Sayaff bilang utak sa likod ng twin bombings sa Isabela City, Basilan. Politika at pangingikil ang ilan sa nga posibleng motibo sa pagpapasabog.

“Itong mga pagbobomba na nangyari ay masasabi nating malungkot na kaganapan kasi ito’y nagdala ng takot sa ating mga kababayan. Ngunit hindi ibig sabihin na merong ganitong pambobomba ay lumalakas itong local terrorists groups,” pahayag nu AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala.

Samantala, nagbabala naman ang PNP warned sa police commanders nito laban sa kapabayaan sa pagabantay sa kanilang areas of responsibility. RNT/SA