Hiling ng DOTR sa transport groups, mag-dayalogo muna bago magdaos ng strike

Hiling ng DOTR sa transport groups, mag-dayalogo muna bago magdaos ng strike

February 27, 2023 @ 5:31 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Umapela si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa transport groups na nagpaplano na magsagawa ng week-long transport strike na magdaos muna ng dayalogo at plantsahin ang mga usapin na may kinalaman sa nasabing sektor.

Ani Bautista, makabubuti na magkaroon muna ng dayalogo sa pagitan ng pamahalaan at  transport organizations para masuring mabuti ang posisyon ng bawat isa hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program.

“You know siguro dapat pag-isipan nating mabuti ‘yung pag-stop ng operations. Dapat mag-usap-usap muna. Let’s understand what the issues are kasi baka hindi tayo nagkakaintindihan,” ayon kay Bautista, mabilis na reaksyon ukol sa planong  transport strike na sisimulan sa Marso 6.

Ipinanukala ni Bautista ang dayalogo sa pagitan ng stakeholders gaya ng transport operators, at kinatawan mula sa DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Ang problema yata ay hindi nagkaroon ng representatives ang DOTr doon sa mga discussions para ma-clarify kung anuman ‘yung mga issues,” ayon kay Bautista.

“So I have already instructed the Undersecretary for Road Sector to coordinate with the LTFRB and with the operators,” dagdag na wika nito.

Samantala, nilinaw naman ni Bautista na binibigyan nila ng sapat na panahon ang transport groups para makapag-ipon ng sapat na pondo para makabili ng bagong unit para sa kanilang operasyon alinsunod sa  PUV modernization program ng pamahalaan.

Iginiit ni Bautista  na walang magaganap na phase out ng mga lumang  PUV units sa mga lugar kung saan may mga grupong hindi kayang bumili ng bagong unit para sa rutang itinalaga sa kanila.

“Pero doon sa mga areas na alam naman natin talagang mahirap kaagad kumuha ng mga bagong equipment ay bibigyan natin ng pagkakataon ‘yung mga operators na mag-join muna doon sa mga cooperatives na mag-consolidate para matulungan din sila na makakuha ng mga bagong equipment,”  ayon kay Bautista.

Aniya, nakikipagtulungan na ang DOTr sa Development Bank of the Philippines at LandBank of the Philippines para tulungan ang  transport groups at kooperatiba na tustusan muna ang pagbili ng modernisadong transport units. Kris Jose