Hiling ng Pinas, 140 pang bansa sa Russia: Ukraine, lubayan na

Hiling ng Pinas, 140 pang bansa sa Russia: Ukraine, lubayan na

February 25, 2023 @ 9:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagkaisa ang 141  bansa kabilang na ang Pilipinas na nanawagan sa  Russia na lubayan at layuan na ang Ukraine.

May isang taon na rin naman kasi nang mangyaring  salakayin ng  Russia ang Ukraine.

Ang kaganapang ito ay matapos na i-adopt ng  United Nations (UN) General Assembly  ang isang resolusyon na nagde-demand sa Russia na iwanan na ang Ukraine.

Maliban sa Pilipinas, 140  ang bansa na bumoto pabor sa resolusyon  habang 32 bansa naman ang nag- abstain.

Samantala, pitong bansa naman ang nananatiling nakatayo at naninindigan laban sa pag-adopt sa resolusyon.

Ang mga bansang ito ay ang Belarus, North Korea, Eritrea, Mali, Nicaragua, Russia at Syria.

Sa isang kalatas, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang Pilipinas “continues to call on the Parties to settle the conflict through peaceful and diplomatic means,” isang taon simula nang ilunsad ng Russia ang Special Military Operations nito sa  Ukraine.

“The Philippines has pronounced its principled stance on Ukraine and has consistently voted in favor of five earlier UN resolutions on Ukraine reaffirming the country’s support for the sovereignty, territorial integrity and political independence of Ukraine and other UN member states,” ang pahayag ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza.

“The Philippines also supported the recent UN resolution, which was tabled for voting on 23 February 2023 in New York, underscoring the need for a comprehensive, just and lasting peace in Ukraine,” dagdag na wika ni Daza.

Ang naging pagkilos ng Pilipinas sa UNGA ay alinsunod sa naging deklrasyon ni Pangulong  Ferdinand  Marcos Jr. na ang bansa ay palaging nasa tabi ng kapayapaan para sa  Ukraine.

“We support any effort towards peace — anything. Basta matigil ang patayan, matigil ang giyera,” ayon sa Pangulo.

Nauna rito, matatandaang nagka-usap na  sina Pangulong Marcos  at Ukranian President Volodymyr Zelenskyy sa pamamagitan ng telepono noong February 13, 2023.

Ipinaabot ng Pangulo kay Zelenskyy ang pakikiisa ng Pilipinas sa paghahanap ng mapayapang solusyon sa nagaganap na tensiyon sa kanyang bansa at sa Russia.

Ayon kay Marcos, ha­nga ito sa katapangan at pagiging makabayan ni Zelenskyy at malasakit sa kanyang mamamayan.

Sa Twitter post ng Pa­ngulo, kinumpirma nito ang naging pag-uusap nila ni Zelenskyy matapos ang ilang buwan na pag-aayos sa kanilang schedule.

Si Zelenskyy, na matagal nang nais makipag-usap sa telepono kay Marcos, ang unang nag-tweet tungkol sa kanilang naging tawagan sa telepono.

“Had the first phone call in the history of bila­teral relations with President of the Philippines @bongbongmarcos,” ani Zelenskyy.

Sinabi rin ng lider ng Ukraine na nagpasalamat siya kay Marcos sa pagsuporta sa sovereignty at territorial integrity ng Ukraine. Kris Jose