Hinabol ng biktima, snatcher nadakma sa Malabon

Hinabol ng biktima, snatcher nadakma sa Malabon

March 17, 2023 @ 12:07 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Walang kawala ang isang 30-anyos na snatcher matapos siyang habulin at mahablot ng isang call center agent na kanyang inagawan ng mamahaling cellphone sa Malabon City, kahapon ng madaling araw, Marso 16.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek na si Jeffrey Santillan, ng Blk 32, Lot 46, Phase 2, Area 2, Brgy. NBBS, Navotas City.

Sa imbestigasyon nina PSSg Diego Ngippol at PCpl Rocky Pagindas, kasasakay pa lamang sa pampasaherong e-trike ang biktimang si Patrick Manahan, ng Martin St. Brgy. Tugatog, papasok sa trabaho dakong alas-3 ng madaling araw malapit sa kanilang tirahan habang gamit ang kanyang mobile phone nang sumulpot bigla ang suspek at hinablot ang hawak nito.

Hindi naman nasiraan ng loob si Manahan at kaagad na bumaba sa sinasakyang e-trike saka hinabol ang suspek hanggang mahablot niya ang damit nito na dahilan ng pagkakaroon ng komosyon.

Nagkataong nagpapatrolya sa naturang lugar sina P/SSgt. Joven Bacolod at P/Cpl. Richard Guiang ng Malabon Police Sub-Station 2 na nahingan ng tulong ni Manahan kaya’t nadakip kaagad nila ang suspek.

Narekober ng mga pulis sa suspek ang mamahaling itim na iPhone 13 Pro Max na nagkakahalaga ng P70,000 na hinablot niya sa biktima.

Nakapiit na sa Malabon Police Custodial Facility si Santillan na nahaharap sa kasong robbery snatching sa piskalya ng Malabon City. Boysan Buenaventura