TRAPIK SA METRO MANILA AT COVID-19 BANTAYAN

August 11, 2022 @5:57 PM
Views:
31
BALAK nang ibalik ng Metro Manila Development Authority ang dating sistema sa number coding sa mga sasakyan.
Sa halip na panatilihing pairalin lamang ang coding sa alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi, paiiralin din ito sa alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng umaga mula Lunes hanggang Biyernes.
Tiyak na maraming kokontra ngunit marami rin ang papayag dahil may kanya-kanyang interes ang mga ito sa usapin.
Para naman sa ating Uzi, kung ano ang nakikita ng mga awtoridad na higit na mabuti, dapat iyon ang pairalin.
Sa ngayon kasi, mga Bro, medyo mabigat-bigat na ang trapiko sa mga rush hour na natatapat sa mga oras ng panukalang coding sa umaga at hapon.
At lalong lalala ito kapag magbukas na ang mga eskwela dahil sa pagbiyahe sa kalsada ng mga school bus at pribadong sasakyan na gamit din ng mga kabataan, lalo na sa senior high school hanggang sa kolehiyo, bukod pa ang paghahatid-sundo ng mga magulang sa mga bata.
Eh malapit na ang pasukan ng mga mag-aaral na nasa ilalim ng Department of Education.
Ayon sa DepEd, may mahigit sa dalawang milyon na estudyante mula kinder hanggang senior high school habang iba pa ang estudyante sa kolehiyo at graduate studies gaya ng mga master at doctor.
Tiyak na libo-libong sasakyan ang maidaragdag sa mga kalsada na lalong magpapasama sa mabigat nang trapik.
NGAYON PA LANG NAGHAHANDA NA
Dahil sa rami ng mga sasakyan na nasa mga kalsada at madaragdagan pa pagbukas ng mga paaralan, lalong bibigat ang trapiko.
Dahil dito, hindi masamang pairalin na ngayon pa lang ang paglilinis din sa mga lansangan para maalis ang mga bara o harang gaya ng mga basketball court at iba pa para sa ikagagaan ng trapik.
Sinasalakay na rin ng mga pulis, barangay tanod at iba pa ang mga nakaparada sa mga kalsada at ginagawang parking lot ng sari-saring sasakyan na walang sariling garahe, kasama na ang mga sasakyang ginawa nang bahay ng mga tsuper.
Magde-deploy na rin ang mga Local Government Unit ng mga traffic enforcer na kakambal ng mga CCTVpara linisin ang mga kalsada.
MAG-INGAT TAYONG LAHAT
Kakambal ng mabigat na usapin sa trapiko, naririyan naman ang pagdami ng mga nako-COVID-19.
Mabigat na ngang problema ang trapik, nagkakasakit pa tayo sa COVID-19 na ating ikinaoospital o ikinamamatay.
Ayon sa mga ulat, libo-libo na ang mga nagpopositibo sa nasabing sakit araw-araw.
Kaya naman, hindi lang tayo mag-ingat kundi lumaban din sa COVID-19.
Diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dapat magpabakuna na lahat ng pupwedeng mabakuhan.
Kung hindi magagawa ang pagbakuna, stop din ang ibang mga gawain gaya ng pagkakaroon ng face-to-face classes.
Pero, hindi lang tayo dapat magpabakuna.
Magsuot din tayo ng face mask na kalahati sa hawaan ang mahaharang nito at sabayan lagi ito ng social distancing, paghuhugas ng kamay at iba pa.
Bawal magrelaks maging sa mga dumarating nating kamag-anak, kailangan din nating bantayan.
PAGSUSPINDE SA NCAP, DAPAT LANG

August 11, 2022 @5:54 PM
Views:
36
INULAN ng reklamo ang “no-contact apprehension policy” na ipinatutupad ng ilang local government units sa Kalakhang Maynila.
Ayon sa ilang nakausap nating motorista, “palpak” daw ang pagpapatupad nito at kabilang sa mga nagrereklamo ang ilang grupo ng driver at operator ng mga pampublikong sasakyan.
Eh, saan ka nga ba nakakita na pwede palang ipasa kay Juan ang kasalanan ni Pedro? Talaga namang hindi tama ito. Sa NCAP kasi, ang operator na registered owner ng sasakyan ang sumasalo ng lahat ng unsafe act o paglabag ng driver sa batas trapiko.
Meaning to say, libre na sa multa si Pedrong may katigasan ang ulo. Ang masaklap pa nito, pag-aawayin pa ng NCAP ang mag-amo dahil magtuturuan pa ang dalawa kung sino ba sa kanila ang dapat magbayad sa multang medyo may kalakihan. Sino kaya sa palagay n’yo dear readers ang mananalo sa eeny, meeny, miny, moe?
Pero teka muna, iba naman ang ipinupunto ng isang kaibigang nagrereklamo. Aniya, habang nagmamaneho siya patawid sa ‘nakakakabang’ green traffic light, eh bigla na lamang daw itong naging dilaw at pula sa kalagitnaan ng intersection. Sa termino ng health and safety, unsafe condition ang tawag diyan.
Dagdag pa niya, kung may timer daw ang traffic light, eh mabibigyan pa sana siya ng tyansang magpreno sa ligtas na lane upang maiwasan ang nakaabang panganib at multa.
Sang-ayon ang bagong LTO chief na si Asec. Teofilo Guadiz III, may kakulangan sa implementasyon ng NCAP kaya gumawa agad siya ng aksyon para dito.
Habang isinusulat ang ating kolum, wala pang pinal na pag-uusap ang mga otoridad kung sususpindihin nga ba o hindi ang NCAP.
Maganda ang layunin ng bawat polisiya tulad ng NCAP, subalit kung hindi magiging patas at makatarungan sa lahat ang pagpapatupad, eh para saan pa ang NCAP, kung hindi naman ito magiging epektibo at makatao?
ANONG MANGYAYARI KUNG HAHAYAAN MAG-OVERSPILL ANG ISANG DAM?

August 11, 2022 @5:50 PM
Views:
38
Mahigit isang Linggo ng bumubuhos sa Central Luzon, Southern Luzon at Metro Manila ang mahina, katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan lalo na sa hapon at gabi dulot ng enhanced Habagat o southwest monsoon.
Bilang precautionary measure, nagpakawala ng tubig ang Magat Dam sa Ramon, Isabela at ang Bustos Dam sa Bustos, Bulacan. Nag-resuta ito sa pagbaha sa mga mababang lugar.
Kumusta naman kaya ang Angat Dam na siyang pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila?
Base sa dam information ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon (August 10, 2022, 6:00AM). Ang lebel ng tubig sa
· Angat Dam ay nasa 178.15 mtrs mas mababa ng 31.85 meters kumpara sa 210 NHWL
· Ipo Dam – 100.34 mtrs, malapit-lapit na sa 101mtrs (NHWL)
· La Mesa – 79.24 mtrs, malapit na rin sa 80.15m (NHWL)
Nakapanayam ng inyong Agarang Serbisyo Lady si DR. SEVILLO D. DAVID, JR., Executive Director ng National Water Resources Board sa programa Health & Travel @ Serbisyo Publiko sa DWBL 1242kHz, AM Band.
Ang unang napag-usapan, kapag nasa panahon ng habagat, ang kitatatakutan ng karamihan ay ang pagbaha at pagpapakawala ng tubig ng ibang dams sa Luzon. Kung sakali magbibigay ng babala ang mga dam operator sa mga lugar na pupuntahan ng tubig bago sila magpakawala nito?
Hindi ba posible na ibigay sa mga may-ari ng fire trucks at sa pribadong sektor na may malalaking tanke ng tubig, para hindi masayang ang tubig.
Ano ba ang mangyayari kung hahayaan na lamang mag-overspill ang isang dam?
Kung hayaan mag-overspill, masira ang dam. Ang tubig ay makakarating sa mga kalawakan at magdudulot ito ng pagbaha pagkatapos nitong maanod ang anumang bagay sa dinadaanan nito.
Kung sakali patuloy ang pagbuhos ng malalakas na ulan dulot ng Habagat, maglalabas ng abiso ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kung kailan sila magpalabas ng sobrang tubig, dahil lalagpas na sa kapasidad ang nasabing dam.
Kaya pinayuhan ang mga residente na nasa mga daluyan ng Angat River sa Norzagaray, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel at Hagonoy na maging handa sa pagbaha.
Malaki ang maitutulong ng pag-iipon ng mga tubig ulan lalo pa’t may kalakasan ang pagbuhos ng ulan tuwing hapon. Gawing alternatibong paraan sa paglilinis ng bahay, sa pagdidilig ng mga pananim, pangbanlaw ng mga damit na nilabhan, panghugas, pambuhos sa banyo at iba pa.
‘NO GARAGE, NO CAR POLICY’ ANTI-POOR?

August 11, 2022 @5:47 PM
Views:
43
MAGANDA sana ang panukalang batas na inihain ni dating House Speaker at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na magbabawal sa mga nagnanais bumili ng sasakyan kung wala silang garahe o paradahan sa mga kalungsuran, lalo sa Metro Manila.
Layunin ng panukala ng dating House Speaker na maibsan ang masikip na daloy ng trapiko, hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang mauunlad na lungsod sa Luzon, Visayas at Mindanao, na ang dahilan ay ang paggamit bilang paradahan o garahe ng mga pribadong sasakyan sa mga pangunahing lansangan.
Kung tutuusin, kabilang na rin sa umiiral na batas-trapiko ang pagbabawal na pumarada ang mga pribado at pampublikong sasakyan sa mga pangunahing lansangan dito sa Metro Manila kaya’t may katapat na malaking halaga ng multa.
Bukod dito, hinihila rin ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority at ng Traffic and Parking Bureau ng mga lokal na pamahalaan ang mga sasakyang pumaparada at iniiwan ng may-ari sa mga pangunahing lansangan na nakakasagabal sa daloy ng trapiko.
Ang kaibahan nga lang sa panukalang batas na inihain ni Rep. Velasco, inaatasan dito ang mga may-ari at mga bibili ng pampubliko at pribadong sasakyan na lumagda sa isang affidavit na kanila dapat na ipa-notaryo bilang patunay na mayroon silang garahe o permanenteng paradahan sa lugar na hindi makakaabala sa daloy ng trapiko.
Kailangan din nilang iprisinta ang nilagdaang affidavit sa Land Transportation Office (LTO) sa oras na ipa-rehistro ang kanilang sasakyan dahil kung wala silang isusumiteng ganitong katibayan, hindi nila mairerehistro ang biniling sasakyan.
Kapag napatunayang hindi totoo ang nakalagay sa affidavit, aba’y kanselado kaagad ang rehistro na kanilang sasakyan, bukod pa sa mult ng P50,000.
Sa tingin ng marami, anti-poor ang panukala ng dating House Speaker dahil hindi lang naman mga mayayaman ang naghahangad na makabili ng sasakyan subalit maging ordinaryong mamamayan na nagsisikap na magkaroon para sa pangangailangan sa pagpasok nila sa trabaho.
Kung hindi ako nagkakamali, ipinanukala na dati ni Senator Win Gatchalian noong taong 2019 ang pagbabawal sa mga nagnanais bumili ng sasakyan kung wala silang garahe pero mukhang hindi ito umusad dahil marami ang kumuwestiyon dito, kabilang na si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III. Paniwala kasi ni Pimentel, inaalisan nito ng karapatan ang sinuman na magkaroon ng sarili nilang sasakyan kung ang kanilang tirahan ay walang lugar para sa gawing garahe.
Kung tutuusin, may punto talaga si Sen. Pimentel, dahil maraming naninirahan sa mga eskinita dito sa Metro Manila na kahit may kakayahang bumili ng sasakyan, hindi naman sila makapagpagawa ng garahe dahil hindi naman puwedeng ipasok ang sasakyan sa tinitirhang eskinita.
Siguro, mas makabubuti kung paiigtingin na lang ng mga otoridad ang batas-trapiko na nagbabawal gawing garahe o paradahan ang mga pangunahing lansangan sa halip na magpasa pa ng panibagong batas na papalagan ng mga mamamayang naghahangad magkaroon ng sariling sasakyan.
‘POWER MOVE’ SA LTO

August 11, 2022 @12:09 PM
Views:
53