HINDI KAILANGAN NG CHACHA

HINDI KAILANGAN NG CHACHA

March 13, 2023 @ 1:28 PM 2 weeks ago


ANG daming ganap nitong nakaraang linggo. Pinaslang si Gov. Degamo ng Negros OMriental, nagka-oilspill dahil sa lumubog na barko sa Mindoro at may malawakang tigil-pasada ang mga tsuper at operators laban sa modernisasyon ng mga jeepney.

At ginunita rin pala natin ang International Women’s Day nitong March 8.

Hindi man masyadong maingay, mayroon pang isang nangyari na tingin ko ay may napakalaking epekto sa kinabukasan ng bansa natin. Nakalusot na sa Kamara ang Resolution of Both Houses #6, na nagsusulong ng pag-amyenda sa ating Saligang Batas. Charter Change o ChaCha.

Medyo iba ang porma ngayon, dahil Constitutional Convention ang panukala at hindi Constitutional Assembly . Sa ConCon kasi, iboboto ng mga tao ang mga magiging kinatawan na gagalawin ang Saligang Batas. Sa ConAss, ang mga Kongresista at mga Senador na ang gagawa nito.

Ito na naman tayo!

Bakit hindi natin ito dapat payagan? Simple lang rin naman ang pananaw ko rito.

Malaking pera ang gagastusin dito. Sampung bilyon piso nga ang panukalang badyet ng Kamara para isagawa ang ConCon. Sabi naman ng COMELEC, kelangan nila ng dagdag na mahigit 3 bilyong piso para mag-eleksyon ng ConCon delegates. Tapos iba pa ang mahigit sa 11 bilyong piso para sa plebisito.

Kulang na ang oras para ihabol sa Barangay at SK elections ang pag-halal sa mga ConCon delegates.

At maraming eksperto ang nagsasabi na hindi naman ChaCha ang solusyon sa mga problema natin. Hindi ChaCha ang magdadala nang dagdag na investors kung mahal pa rin ang kuryente. Hindi raw mababawasan ang kahirapan kung talamak pa rin ang korapsyon.

Lalong hindi tatalino ang mga estudyante kung kulang pa rin ang mga classroom at mababa ang sweldo ng mga titser.

Hindi gaganda ang antas ng kalusugan kung aalis ang mga doktor at nurses natin papunta sa mas magandang buhay sa ibang bansa.

Hindi ChaCha ang kailangan natin. Kailangan natin ng mahuhusay na mamumumo sa ating bansa tungo sa pag-unlad.