HINDI LAHAT NG NAKAPALIGID SA IYO, MAPAGKAKATIWALAAN

HINDI LAHAT NG NAKAPALIGID SA IYO, MAPAGKAKATIWALAAN

July 8, 2022 @ 2:32 PM 1 month ago


KUNG minsan, hindi rin maganda ang magtiwala sa kakilala o naging kasamahan sa trabaho dahil may mga pagkakataon na kung sino pa ang inaakala mong makatutulong sa iyo, siya pa pala ang manloloko at tatangay ng salapi mo.

 Ganito kasi ang naging karanasan ng aking maybahay na si Leslie nang malinlang ng inakala niyang mapagkakatiwalaang kakilala na nakasama niyang maglingkod sa tanggapan ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

 Kabuwanan na kasi ng aking asawa kaya’t kailangan naming makakuha ng kasambahay na makakatuwang sa gawaing bahay at dahil nagprisinta itong kakilala niyang si Angelica Kim Salud o “Basha” kung tagurian sa city hall na mayroon siyang kakilalang nais mamasukan bilang kasambahay, pinaniwalaan siya ng aking maybahay.

 Humingi ng P1,000 si Basha kay Leslie para raw may perang iiwan sa anak ang papasok na kasambahay na ibinigay naman agad ng aking maybahay matapos sabihin sa kanya kung anong araw magtutungo sa aming tirahan ang inirekomendang kasambahay.

Pero walang kasambahay na dumating sa takdang araw kaya’t nagsimula nang magduda ang aking asawa at gumawa ng paraan upang makausap ang sinasabing papasok na kasambahay.

 Dito niya nalaman na hindi naman pala mamamasukan ang babae dahil may maayos itong trabaho kaya’t tinunton na ni Leslie kung saan nakatira si Basha. Matapos matukoy ang kanyang tirahan, kaagad kaming nagtungo ng aking asawa sa kanilang lugar sa Matang Tubig na sakop ng Brgy. 197 Zone 17 District 2 sa R. Papa, Tondo.

 Sadyang maliit lang ang mundo dahil dito namin nalaman na dati palang tsuper ng pamilya ng aking pinsang-buo na si Magnolia Reyes Chico at asawa niyang si Kuya Bam ang ama ni Basha na si Mang Boyet Salud alyas “Ulo” at hindi Basha kundi “Pendang” ang kanyang palayaw sa kanilang lugar.

Sa tulong rin ng anak ng aking pinsang si Magnolia na si JM at kina Kagawad Joel Gumaygay ng Brgy. 196 at Kagawad Wilfredo Camus, natunton namin si Basha o Pendang habang naglalakad pauwi na sa kanilang bahay, kasama ang isang anak.

 Natuklasan namin na hindi lang pala si Leslie ang nalinlang ni Basha dahil marami na rin palang reklamo laban sa kanya sa kanilang barangay bagama’t maliit na halaga lamang ang kanyang tinatangay para madali ring mabayaran kapag nabubuko na. 

Ayon pa sa barangay, ganito rin ang dating trabaho ng ama ni Basha, habang ang ina naman niya ang taga-areglo o tagabayad naman ng maliliit na halagang nakukulimbat niya sa mga nalilinlang.