HINDI NA MAGBABAGO PA SA IBOBOTO SA MAYO 9

HINDI NA MAGBABAGO PA SA IBOBOTO SA MAYO 9

May 4, 2022 @ 12:02 PM 2 months ago


“HINDI na ako magbabago pa ng iboboto sa halalang Mayo 9, 2022.”

Napakahalaga ang pahayag na ito kaugnay ng sarbey na isinagawa ng PUBLiCUS ukol sa mga kandidatong Presidente at Bise Presidente.

Ginawa ang pahayag ng may 1,626 mamamayan sa Metro Manila na sinarbey nitong Abril 25-28 sa Metro Manila.

Lumilitaw na 87 porsyento ang boboto kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos para Presidente at 80% naman kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para Bise Presidente.

Tanong: Pareho rin kaya ang sagot ng mga tagaibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao?

Kung oo, tapos na ang halalan.

‘Yan ay kung walang dayaan sa pagpapadala ng resulta ng halalan mula presinto hanggang sa Commission on Elections server at kung walang brownout o blackout na pinagmumulan ng mga milagro sa resulta ng mga boto.

Hehehe!

RESULTA NG PUBLiCUS SURVEY

Heto, mga Bro, ang mga boto na pinaghahati-hatian ng mga kandidato.

Sa Presidente, Marcos – 52.2%; Leni Robredo – 27.9%; Isko Moreno – 7.3%; Panfilo Lacson – 4%; Manny Pacquiao – 1.4%; Leody de Guzman – 0.9%; Ernesto Abella – 0.6%; at Norberto Gonzales – 0.3%.

Sa Bise Presidente, Sara Duterte – 55.1%; Francis Pangilinan – 19.4%; Willie Ong – 9.6%; Vicente Sotto – 9.3%; Lito Atienza – 0.9%; at Walde Bello – 0.8%.

Oberbasyon lang natin, magsama-sama man ang mga nahuhuli sa bilangan sa bawat posisyon, wala pa rin silang panalo.

Pero may posibilidad na may lilipat pa ring mga botante mula sa mga ito patungo kina Marcos at Duterte.

RESULTA NG PULSE ASIA SURVEY

Heto naman ang resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan at iba’t ibang uri ng mga mamamayan, may bilang na 2,400 at isinagawa noong Abril 16-21.

Para sa Presidente, Marcos – 56%; Robredo – 23%; Pacquiao – 7%; Moreno – 4%; Lacson – 2%; Abella at Faisal Mangondato – 1%; De Guzman – .3%; Gonzales – 0.1%; at Jose Montemayor Jr. – 0.1%.

Para sa Bise Presidente, Duterte – 55%; Sotto – 18%; Pangilinan – 16%; Ong – 3%; Emmanuel “Manny” Lopez – 1%; Lito Atienza – 0.5%; Walden Bello – 0.4%; Carlos Serapio – 0.3%; at Rizalito David – 0.1%.

Pagsama-samahin man din ang lahat ng boto ng mga kanidatong Bise Presidente, hindi pa rin uubra upang mapatumba si Duterte-Carpio.

4 HIKAB AT 2 ARAW NA GAPANGAN NA LANG

Apat na hikab na lang, tigil na ang kampanyahan at ang matitirang 2 araw, Mayo 8-9, ay gapangan sa loob ng mga tahanan.

Maaaring wala na talagang mangyari sa kampanyahan batay sa sarbey ng PUBLiCUS.

Pero ang pag-asa ay ang gapangan na may vote buying.

Kaya lang, sa gapangan, karaniwang mga lokal na kandidato ang pumapapel at higit na kanilang sarili ang iginagapang at swerte na kung mabanggit ang mga kandidatong Presidente at Bise Presidente.

Sa gapangan, mga Bro, naririyan ang angkan-angkan pero kalakip ng bilangan sa miyembro ng pamilya na botante na tinatapatan ng kwarta.

Wais din ang iba sa pagkuha sa mga botante bilang watchers na may allowance para tiyak na maging botante rin.

Tanong naman: Makaaapekto ba sa botohan ang mga gapangan na kakambal ang tapalan o siraan ng campaign materials sa mga kandidatong Presidente at Bise Presidente?