HINDI NA MAKAPAGPAPAGALING ANG ANTI-BIOTIC

HINDI NA MAKAPAGPAPAGALING ANG ANTI-BIOTIC

November 17, 2022 @ 11:40 AM 2 weeks ago


KABILANG ngayon sa mga pinag-uusapan sa mundo ang hindi na pagtalab ng mga anti-biotic laban sa mga sakit natin o marami sa mga ito.

Paano na lang kung totoo ito?

Halimbawa, anti-biotic ang ipinaiinom sa atin kapag sumasakit ang ating ngipin at bago bunutin.

Kasi naman, karaniwang namamaga ang ating mga gilagid at may mga nagnanana pa nga dahil sira ito sa ating ngipin.

Paano ngayon tayo bubunutan kung mananatili ang mga pagnana at pamamaga ng ating mga gilagid?

Paano naman ang mga impeksyon sa ating mga sugat o sakit sa mga panloob nating kalamnan?

Gaano katagal na malabanan ng natural na panlaban natin sa impeksyon ang mga sugat at iba pang sakit?

Ang alam nating lahat, malaki ang tulong ng mga antibiotic para tayo’y lubusang gumaling sa ating mga sakit na pinalala ng germs o mikrobio, virus, fungus at iba pa.

Paliwanag ng mga doktor, kung mali ang paggamit natin ng mga anti-biotic o kaya’y bumibili at gumagamit tayo nito nang walang reseta ang doktor, maaaring magbunga ito sa ating katawan nang kawalan ng epekto ng anti-biotic.

Pero nais nating isama na rin ang problema sa pagkain na may mga anti-biotic na posibleng pagmulan ng sobrang anti-biotic sa katawan.

Kaugnay nito, heto ang mga anti-biotic na ginagamit ng mga tao at hayop na baboy at manok, halimbawa.
Amoxicillin, Penicillin, Cephalexin, Ciprofloxacin at Ampicillin.

Pero paliwanag naman ng ibang mga doktor at veterinarian, 10-18 porsyento lang ng mga anti-biotic na gamit sa tao ang gamit sa mga hayop.

Kaya, maliit lang ang anti-biotic mula sa mga hayop ang pumapasok sa katawan ng tao kaya huwag tayong mabahala?

Eh, paano kung peborit natin at madalas tayong kumain ng barbecue na manok at litsong baboy na may anti-biotic?

‘Wag nating sabihing, “Bahala na si Lord!”