HINDI ZARZUELA ANG PULITIKA

HINDI ZARZUELA ANG PULITIKA

October 15, 2021 @ 7:22 PM 1 month ago


MAHUSAY na pamamahala, naaayon sa batas ang lahat ng pagkilos at para sa lahat ang kaunlarang isusulong.

Ilan lamang ‘yan sa ating hahanapin na mga plataporma o katangian ng bawat kandidato sa darating na halalan para sa nasyonal at lokal na mga posisyon sa pamahalaan.

Ngunit tila isang malaking parada lang o sabihin na nating circus, palabas, zarzuela o kahit na anong gustong itawag pa rito sa eleksyon na darating. Bakit ko nasabi? Ang kahirapan na marahil na dala ng pandemya ang dahilan.

Kasi naman kapansin-pansin na mas marami ang sumasali o gustong maging politikong mga artista, atleta, atbp., ngayong panahon na ito para sa darating na halalan.

Wala na nga sigurong magawang pelikula at wala na ring mga sikat na liga o palakasang programa na masalihan, kaya gagamitin na lang ang kasikatan sa pulitika.

Nasubukan na natin ang mga ganyang klase ng mga tao. May nangyari ba o may nagawa, nang maiboto sila ng mga kababayan nating madaling masilaw ng kasikatan ng isang artista o atleta? Ano ang mga nagawa ng nasubukan nating mga taong ganito?

Wala ‘di ba? Parang mga kabute na biglang nagsusulputan na naman ngayon ang mga ito. May isa nga sa kanila, komedyanteng naging konsehal sa Quezon City matapos maging Vice Mayor ng Parañaque, ngayon ay pagka-kongresista naman ng Cam Sur ang tatargetin. Sus Mio Santisima!

Doon nga sa dalawang posisyong nahawakan nang mahalal siya dahil sa kasikatan, wala namang nagawa ang ogag na ito, kundi magpatawa lang din naman. Masaklap may iskandalo pang nakasangkutan dahil sa  katawa-tawang mga proyekto.

Ganyan din ba ang gugustuhin na naman natin na mamahala ng ating pamahalaan? Iboboto bilang mambabatas o maging Pangulo pa ng ating bansa. Aba! Maawa naman kayo sa ating inang bayan at sa ating mga kapwa kababayan.

Hindi isang ‘zarzuela’ ang pulitika o serbisyo publiko. Kailangan nga natin ang ‘di lamang politiko, kundi mga matitino at may integridad na tulad natin at may malasakit sa kapwa at bayan. May tapang na humarap sa mga pagsusubok na hinaharap ng bansa.

Kung ang mga posisyong lingkod bayan ay pupunuan lang natin ng mga artista o atleta, gumawa na lang tayo ng pelikula o zarzuela na lahat pwedeng maging bida. Kapakanan ng bawat Pilipino ang nakasalalay rito.

Kaya makikiusap ako sa inyo, mag-isip kayo ng tama sa inyong mga iboboto.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!