Hinggil sa isyu ni SolGen Calida: Malakanyang, walang balak diktahan ang Senado

Hinggil sa isyu ni SolGen Calida: Malakanyang, walang balak diktahan ang Senado

May 31, 2018 @ 9:35 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Walang balak ang Malakanyang na diktahan ang Senado para imbestigahan ang kontrobersiyang ibinabato laban kay Solicitor General Jose Calida kaugnay ng 60 percent ownership nito ng isang pribadong security agency.

Ani Presidential spokesperson Harry Roque, bahala aniya ang Senado kung ano ang nais nitong gawin at walang pakialam ang Malakanyang dito.

Ang masasabi lamang niya ay ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi nito sisibakin si Calida dahil lamang sa kontrobersiyang ito.

“SolGen Calida is not guilty of conflict of interest,” ayon kay Secretary Roque.

Suportado naman ng Malakanyang ang naging pahayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra  na bukas sa pormal na imbestigasyon sa kontrobersyang ibinabato kay Calida dahil para kay Sec. Roque ay “I think is a better course of action para malinaw na once and for all kung talagang nagkaroon ng conflict of interest”.

Sa kabilang dako, wala namang batas na nagbabawal sa kaninumang government official na magkaroon ng share of stocks.

Aniya, malinaw naman ang itinatakda ng batas na hindi iligal kung ang isang opisyal ng pamahalaan ay magkaroon man ng pamumuhunan sa isang kumpanya sa pamamagitan ng stocks.

Magkakaruon lang aniya ng paglabag partikular ng conflict of interest sa sandaling ang napasukang kontrata ay sa mismong tanggapan na pinangangasiwaan ng isang  opisyal ng gobyerno.

Panawagan pa ni Roque sa mga bumabatikos kay Calida, basahin ang batas kasabay ng paniniyak na hindi ito mapapatalsik sa puwesto. (KRIS JOSE)