Hinihinalang gunmen ni Percy Lapid hagip sa dash cam video

Hinihinalang gunmen ni Percy Lapid hagip sa dash cam video

October 6, 2022 @ 3:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines — Mas lumapit ang mga imbestigador sa pagtukoy sa mga pumaslang sa radio broadcaster na si Percival Mabasa, kilala rin bilang  Percy Lapid, sa narekober na dashcam video mula sa sasakyan ni Lapid.

Sinabi ni Police Colonel Restituto Arcangel, commander at tagapagsalita ng special investigation task force para sa kaso nitong Huwebes na kita sa footage ang kahina-hinalang kalalakihan sakay ng motorsiklo malapit sa sasakyan ni Lapid bago siya pagbabarilin.

Dinig din ang putok ng baril sa video bago tumakas ang mga lalaki na pinaghihinalaang pumaslang sa biktima.

“Noong na-compare namin doon sa nakuhanan ng camera sa likod ng sasakyan niya (Lapid) before siya ay mabaril, pumaparehas doon sa suot noong nagda-drive ng motor. Iyon iyong point of reference namin doon sa [nakuha] namin na CCTV footages na na-locate along doon sa route na iyon,” pahayag ni Arcangel.

Subalitm giit niya, kailangan pa nilang tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga suspek batay sa mga video.

“Wala pa tayong identification noong suspek, maliban sa general description ng features, estimate ng height at build pero as to the identity, wala pa po tayo doon,” ani Arcangel.

Inihayag niya na naisumite na ang dash cam footage sa Anti-Cybercrime Unit ng Philippine National Police (PNP) para sa forensic examination.

Tiniyak naman ng PNP na bibigyan ng hustisya ang pagpatay kay Lapid, kilalang kritiko ng Duterte at Marcos administrations, na pinatay sa gate ng isang Las Piñas City village nitong Lunes ng gabi.

Nag-alok naman si Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ng P500,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng “valuable information” sa pagpatay kay Lapid.

Base sa National Union of Journalists of the Philippines, si Lapid ang ikalawang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Marcos administration. Nauna na si radio broadcaster Rey Blanco, na pinatay sa saksak sa Negros Oriental noong Setyembre. RNT/SA