Hirit na byaheng-abroad ni Lao ‘di pinagbigyan ng Senado

Hirit na byaheng-abroad ni Lao ‘di pinagbigyan ng Senado

September 8, 2022 @ 1:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi pinagbigyan ng  Senate blue ribbon committee nitong Huwebes ang kahilingan ni Lloyd Christopher Lao, dating officer-in-charge ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM), na makabyahe sa labas ng Pilipinas.

Ito ay sa gitna ng nakataas na immigration lookout bulletin laban sa kanya.

Sa pagdinig ng komite sa umano’y overpriced na mga laptop na binili ng Education Department, sinabi ni committee chairman Sen. Francis Tolentino na 10 senador ang bumoto kontra sa kahilingan ni Lao, lima ang pumabor dito, habang dalawa ang nag-abstain.

“Let the committee secretary issue the necessary letter to former Usec. Lloyd Lao as well as the appropriate government agencies,” ani Tolentino sa kanyang anunsyo.

Ayon kay Tolentino, dati nang nagpadala si Lao sa kanyang opisina ng liham na humihingi ng clearance na nagpapahiwatig na wala na siyang kinakaharap na anumang contempt charges. Sinabi niya na hiniling din ni Lao na tanggalin siya sa immigration lookout bulletin.

Noong Setyembre 2021, naglabas ang Department of Justice ng immigration lookout bulletin order para kay Lao at pitong iba pang indibidwal sa gitna ng kasalukuyang pagsisiyasat ng Senado sa mga umano’y iregularidad sa pagbili ng mga supply na nauugnay sa pandemya ng Department of Health, na ginawa rin sa pamamagitan ng PS-DBM. RNT