Hirit na pagbasura sa PDAF scam case, inisnab ng Sandiganbayan

Hirit na pagbasura sa PDAF scam case, inisnab ng Sandiganbayan

May 13, 2022 @ 8:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Sandiganbayan ang mga hirit na inihain ng kapwa akusado sa apat na kasong graft na kinasasangkutan ng yumaong Davao del Sur Gov. Douglas Cagas at negosyanteng si Janet Lim Napoles.

Sa limang pahinang resolusyon nito na may petsang Mayo 11, ibinasura ng anti-graft court ang motions for leave of court to file demurrer na inihain ng mga abogado ni Napoles gayundin ng mga opisyal ng wala na ngayong Technology and Livelihood Research Center (TLRC) group manager na si Maria Rosalinda Lacsamana at deputy director general Dennis Cunanan, at mga dating opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) sa pangunguna ni Undersecretary Mario Relampagos at ng kanyang mga tauhan na sina Rosario Nunez, Laline Paule, at Marilou Bare.

“The Court finds unwarranted the pleas of the accused for leave to file demurrer to evidence. Following a careful study of the evidence on record, both testimonial and documentary, the Court rules that these are prima facie sufficient for the conviction of the accused of the crime charges in the information filed, unless successfully contradicted by defense evidence,” saad sa desisyon ng korte.

Ang demurrer to evidence ay isang mosyon na inihain ng isang akusado na humihiling sa korte na tuwirang ibasura ang mga kaso batay sa kakulangan ng ebidensya ng prosekusyon.

Labing-siyam na testigo ang iniharap ng prosekusyon sa ngayon, kabilang sina dating Digos City mayor Joseph Penas at Hagonoy, Davao del Sur vice mayor Fanco Calida.

Si Cagas, na namatay noong nakaraang taon ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) complications, ay kinasuhan ng umano’y iregularidad sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong siya ay mambabatas pa noong 2007, kasama ang iba pang kapwa akusado.

Nakipagsabwatan umano si Cagas sa pagbibigay ng hindi bababa sa PHP8 milyon na pondo sa mga non-government organization na pinamamahalaan ni Napoles.

Pinili umano niya ang TLRC bilang implementing agency. RNT