Hirit na surge fee sa pamasahe ‘pag rush hour, pag-aaralan ng LTFRB

Hirit na surge fee sa pamasahe ‘pag rush hour, pag-aaralan ng LTFRB

October 19, 2022 @ 6:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkules, Oktubre 19 na pag-aaralang mabuti ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hirit na surge fee o dagdag na P1 hanggang P2 singil sa pamasahe sa mga jeepney at bus tuwing rush hour.

“Actually, pag-aaralang mabuti ‘yan ng LTFRB. Although we acknowledge talaga na medyo nahihirapan ‘yung ating mga drivers because of fuel price increase. Pero dapat i-balance kasi natin ‘yung effect para sa ating mga pasahero. Kaya pag-aaralang mabuti ‘yan ng LTFRB,” pahayag ni Bautista kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Coast Guard.

“I think it’s a logical request kasi naman totoo naman talaga na tumataas ‘yung kanilang operations,” dagdag niya.

Matatandaang kamakailan ay naghain na ng petisyon sa LTFRB ang ilang transport groups tulad ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) na payagan ang mga traditional at modern jeepneys na maningil ng dagdag piso, at dalawang piso naman sa public utility buses, tuwing rush hour o mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga, at alas-4 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi maliban kung Linggo at holiday.

Ito ay upang maibsan umano ang hirap na nararanasan ng mga driver dahil sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Kung babalikan, nitong Setyembre ay inaprubahan na ng LTFRB ang pisong provisional increase sa minimum fare sa mga PUJs. RNT/JGC