Hirit na taas-pasahe sa LRT-1 ‘di pinagbigyan ng DOTr

Hirit na taas-pasahe sa LRT-1 ‘di pinagbigyan ng DOTr

May 26, 2022 @ 11:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Good news para sa mga pasahero ng Light Rail Transit Line 1 (LRT 1) dahil  hindi pinagbigyan ng Department of Transportation (DOTr) ang hirit na taas-singil ng pribadong railway operator sa ngayon sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin.

Sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan, sa isang virtual press briefing noong Miyerkules, tali ang kamay ng departamento  sa panukalang pagtaas ng pamasahe ng LRT 1 operator na Light Rail Manila Corp. (LRMC).

“First of all, [our policy is very clear that] considering the current environment with inflation, we are really not able to increase or to grant the requested fare increase by our concessionaire for LRT 1,” paliwanag pa niya.

Nauna nang iniulat ng gobyerno na ang inflation ay tumaas sa 4.9 porsiyento noong Abril dahil sa mas mataas na presyo ng langis at pagkain sa gitna ng digmaan ng Russia sa Ukraine. Itinaas din ng Development Budget Coordination Committee ang inflation projection ngayong taon sa 3.7 hanggang 4.7 percent mula 2 hanggang 4 percent dati.

Ang pahayag ni Batan ay bilang tugon sa kasong isinampa ng LRMC noong unang bahagi ng buwan laban sa DOTr at Light Rail Transport Authority (LRTA) dahil sa kawalan ng aksyon sa mga aplikasyon nito sa pagsasaayos ng pamasahe at hindi umano nito natutugunan ang iba pang itinakda sa kanilang concession agreement (CA).

Dahil ang International Chamber of Commerce ang kanilang tagapamagitan, humiling ang LRMC ng P2.67 bilyong halaga ng kompensasyon.

Nauna nang sinabi ng pribadong operator na ang pagtaas ng pamasahe ay “long overdue” na o matagal na dapat ipinatupad.

Ang pagtaas ng pamasahe ay nakikitang makakatulong sa kumpanya na makabawi sa mga pamumuhunan para sa pagpapahusay ng LRT 1 at pagpapalawig ng riles sa Cavite.

Sa ngayon, sinabi ni Batan na pinag-aaralan pa ng DOTr ang susunod na hakbang nito hinggil sa kaso.

“On the notice of arbitration that was filed, this is of course being studied by our legal department, together with DOTr’s counsel, the office of Solicitor General. And we will handle this according to the concession agreement,” ani Batan. RNT