Hirit na taas-presyo ng 3 manufacturers pinag-aaralan pa ng gobyerno

Hirit na taas-presyo ng 3 manufacturers pinag-aaralan pa ng gobyerno

June 8, 2022 @ 3:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinag-aaralan pang mabuti ng pamahalaan ang posibilidad na tumaas ang presyo ng tinapay at ilan pang produkto sa mga susunod na araw.

Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, iyon ay kung makakakita sila ng sapat na justification mula sa tatlong manufacturers na humihirit ng taas presyo.

Sinabi ni Castelo sa Laging Handa public briefing na humihingi ng price increase ang gumagawa ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal bunsod ng pahirapang pag- aangkat ng wheat flour sa ibang bansa.

Bukod sa mga ito ay humihirit din ng price increase ang mga manufacturers ng mga nasa detergent business bukod pa sa isang brand ng canned sardines.

Sinasabing May 11, 2022 nang huling nagkaroon ng taas presyo ng mga pangunahing bilihin at basic necessities.

“Recently kasi, nag-increase tayo noong May 11, 2022 ng presyo ng pangunahing bilihin, iyong basic necessities and prime commodities natin. So, from the time of increase, mayroon tayong tatlong manufacturers na nag-request na naman ng panibagong [price] increase. Tatlo lang naman, hindi naman lahat ng produkto,” ayon kay Castelo.

“So, ito iyong pinag-aaralan natin at kasama na doon iyong pagtaas ng presyo ng Pinoy Tasty and Pinoy Pandesal dahil nga sa wheat flour na inaangkat sa ibang bansa,” aniya pa rin. Kris Jose