Hirit na taas-presyo sa tinapay, de-lata, pinag-aaralan ng DTI

Hirit na taas-presyo sa tinapay, de-lata, pinag-aaralan ng DTI

October 22, 2022 @ 9:05 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Masusing pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit ng ilang mga manufacturer ng canned goods at tinapay na magtaas ng presyo sa mga produktong ito.

Ayon kay DTI undersecretary for consumer protection Ruth Castelo, sa ngayon ay sinusuri pa nila ang petisyong magdadagdag sa presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ng apat na piso.

“Pinag-aaralan ng DTI. Nanghingi tayo ng additional information sa Philbaking, ang gumagawa nito, para mas kumpleto, mas sigurado ang magiging desisyon natin sa request nila,” sinabi ni Castelo sa public briefing nitong Biyernes, Oktubre 21.

Matatandaang sinimulan noong 2010 ang pagbuo ng abot-kayang bread variants na Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal na inisyatibo ng DTI at Philbaking.

Dagdag dito, kasama rin sa kanilang pinag-aaralan ang hiling ng ilang manufacturers na taas-presyo sa mga de-lata.

“Lahat ng data hinihingi sa manufacturers para masigurado na tama ang presyo at pinakarisonableng presyo para sa consumers natin,” aniya.

Pagbabahagi din ni Castelo, mula 50 centavos, P5 hanggang P20 ang hirit na dagdag sa mga nasabing produkto.

Sa kabila nito, sinabi ng DTI na 10% dagdag lamang ang pinapayagan nila sa presyo ng mga basic necessities at prime commodities. RNT/JGC