Hirit ni De Lima sa korte: Ragos patestiguhin!

Hirit ni De Lima sa korte: Ragos patestiguhin!

October 5, 2022 @ 11:14 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni dating Senator Leila de Lima sa Muntinlupa court na payagan si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos na tumestigo sa isa sa dalawang kanyang kinahaharap na kaso na may kinalaman sa droga na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ).

Sinabi ni De Lima na si Ragos ang isa sa pinakamahalagang witness sa kaso na isinampa ng DOJ laban sa kanya at ng kanyang dating aide/bodyguard na si Ronnie Dayan noong Pebrero 2017 na nag-aakusa sa kanila ng conspiracy sa pagbebenta ng ilegal na droga noong siya ay napaupo bilang justice secretary.

Sa kanyang naunang affidavit at testimony ana isinumite sa korte, sinabi ni Ragos na nagtungo siya sa bahay ni De Lima sa Parañaque ng dalawang beses upang magdeliver ng P10 milyon sa dating senadora noong Nobyembre at Disyembre ng taong 2012 kung saan ang perang kanyang bitbit na pera ay nanggaling sa pagbebenta ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Gayunpaman, sa kanyang isinumiteng bagong affidavit nitong nakaraang Abril 30 ng kasaluuyang taon ay binawi ni Ragos ang kanyang naunang salaysay laban kina De Lima at Dayan at sinabi na walang katotohanan na siya ay nagdeliver ng P10 milyon sa bahay ni De Lima.

Nakatakda sanang humarap sa korte para tumestigo si Ragos sa kasong naisampa laban kay De Lima at Dayan nitong nakaraang Setyembre 30 ngunit nagsumite ang DOJ panel of prosecutors ng motion for reconsideration na hindi sumasang-ayon sa pagtestigo ni Ragos.

Matatandaan na nauna nang pinaboran ang mosyon na isinumite ng kampo ni Dayan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 na siyang dumidinig sa kasong 17-165 na kinahaharap nila ni De Lima na ipa-recall si Ragos.

Inatasan naman ng korte ang kampo ni De Lima na magbigay ng komento tungkol sa motion for reconsideration na inihain ng prosekusyon.

Sa komento ng omnibus na isinumite ni De Lima sa korte ay sinabi ng dating senadora na nararapat lamang na i-welcome ng prosekusyon ang karagdagang impormasyon para sa interes ng hustisya.

Si Ragos ay dating kabilang na akusado sa kasong kinahaharap nina De Lima at Dayan ngunit ilanis ito sa pagiging akusado nang tumestigo siya para maging government witness.

Sa bagong affidavit na isinumite ni Ragos sa korte ay sinabi nito na para maalis siya bilang akusado sa kaso ay pinilit siya ni dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre na lumagda sa kanyang walang katotohanang testimonya at affidavit upang madiin sina De Lima at Dayan sa kaso na mariin namang itinanggi ito ni Aguirre. James I. Catapusan