Hirit ni Hontiveros kay PBBM: De Lima, palayain na!

Hirit ni Hontiveros kay PBBM: De Lima, palayain na!

October 10, 2022 @ 4:12 PM 6 months ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Risa Hontiveros kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., na palayain si dating Senador Leila De Lima na pawang “legal at moral” na bagay na dapat gawin.

Kasunod ito matapos i-hostage si De Lima sa loob mismo ng kanyang selda sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.

Nakaligtas si De Lima ngunit napatay ang tatlong hostage-taker at may sugatan din na pulis.

“Imagine sa national headquarters sa ating national police posibleng may mangyaring ganito sa kanya. Lagpas na ito sa PNP kaya nananawagan talaga ako sa bagong administrasyon, kay Presidente, na gawin ang moral at legal na tamang gawin at palayain na si Sen Leila,” ayon kay Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na kanyang pinag-aaralan ang paghahain ng kaukulang resolusyon upang paimbestigahan ang hostage-taking kay De Lima na humihiling ng paliwanag mula sa Philippine National Police kung paano nangyari ang “barbaric at despicable” na insidente na mangyayari sa loob ng pasilidad na dapat ay maximum security.

“Posibleng mag-inquire pa rin kami, mag-investigate sa nangyari sa kanya na hindi na ito dapat muling mangyari sa kanya o sa kahit na sinong detainee at ‘yun na nga, lagpas pa doon sa anumang paliwanag, findings, recommendations ‘di ba dahil ito ‘yung huli lamang sa series na hindi makapangyarihang ginagawa sa kanya sa nakaraang kalahating dekada ay dapat na palayin na siya,” ani Hontiveros.

“Dapat talagang tukuyin sino o sinu-sino ang dapat managot para diyan, kaagad na tukuyin at panagutin sa batas ang lahat ng sangkot sa pangyayaring ito kaya nagdedemand tayo ng paliwanag at masusing imbestigasyon tungkol sa insidenteng ito ng PNP at saka ng DOJ,” dagdag niya.

Nais din ni Hontiveros na ipaliwanag ng PNP kung nakapasok ang isang armadong detainee sa selda ni De Lima pero hindi makapasok ang kanyang mga bisita.

“Kailangan natin ng mga sagot ‘di ba napakahirap na dalawin ni Sen Leila ha, kahit noong nakaraang kaarawan niya, kung paanong ang armadong detainee ganoong kadali na lang magkaroon ng access sa kanyang selda na napakalalim sa loob ng PNP national headquarters,” giit niya.

“Ang hirap nga makadalaw ng bisita eh bakit itong tao na ito nakarating sa kanya? Ano bang mga lapses in security ang dapat ma-address? At higit sa lahat nga, sino ang responsable? Deplorable talaga ang breach of duty na ito,” dagdag niya. Ernie Reyes