Hirit sa Senado: Motorcycle taxi bill ipasa na

Hirit sa Senado: Motorcycle taxi bill ipasa na

January 30, 2022 @ 3:50 PM 8 months ago


Manila, Philippines-Nanawagan ang libo-libong motorcycle drivers sa Senado na bigyang prayoridad na maipasa ang isang taon nang nakabinbin na Senate Bill No. 1341 o The Motorcycles-for-Hire Act bago pa mang dumating ang halalan at magpalit ang Kongreso.

Nakasalalay kay Senadora Grace Poe bilang chairman ng Senate committee on public services na maipasa ang naturang panukala.

Nitong nakalipas na linggo, totoo sa kanyang pangako, itinulak ni Congressman Edgar Sarmiento, chairman ng House committee on Transportation, ang pagpasa ng naturang panukala sa Kamara.

Ang panawagan ay mula sa mga miyembro ng Kapatiran sa Dalawang Gulong (Kagulong) na nag gusto ding mabuksan ang MC taxi business sa lahat.

Ang Technical Working Group ng DOTr kasi ay nilimita sa Joyride, Angkas at Move It ang negosyo. Ang Move It ay napakaliit kayo halos monopoly ng Joyride at Angkas ang serbisyo.

Ang Grab na may subscribers o pasahero na 5 milyon, ay hindi isinama ng TWG na nagsabi na hintayin na lang ng Grab na maging batas ang panukala.

Ngunit malabo ito dahil ang Kongreso ay magre-recess na sa Pebrero 9 maliban lang kung maipasa ng Senado ang kanilang panukala.

Noong Oktubre 2021, pinatay din ng TWG ang partnership ng Move It at Grab “after only one week of operation”.

Nagbigay kasi ang Grab ng 1,000 libreng sakay kada araw at ang Joyride at Angkas ay ayaw lumaban ng patas.

Ang partnership sa Move It ay na offer din ng Grab sa Joyride at Angkas pero pareho silang umayaw.

Ayon kay Don Pangan, Secretary General ng Kagulong na ang kawalan ng kaukulang batas ang dahilan kung kaya’t walang maayos at tamang regulatory mechanism at hindi nagagawang ma-regulate ang sistema hinggil dito.

Habang walang batas, Joyride at Angkas lamang ang mangingibabaw at ang publiko, kasama ang 5 milyong pasahero ng Grab, ay walang mapagpipilian na sasakyan. RNT