HIT MAN O FALL GUY?

HIT MAN O FALL GUY?

October 20, 2022 @ 6:35 PM 1 month ago


DAHIL nagsalita na si President Bongbong Marcos, wala nang silbi pang igiit ang ano mang panawagan na magbitiw sa puwesto si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay nang pagkakaaresto sa kanyang anak na si Juanito Jose Remulla III dahil sa drug trafficking.

Gayunman, tama ang lider ng oposisyon, si Albay Representative Edcel Lagman, sa hinihingi nitong magpaliwanag ang Department of Justice Secretary kung bakit atrasado ang paga-anunsiyo ng tungkol sa pagkakaaresto sa anak nito.

Wala dapat special treatment, ‘di ba, Mr. Secretary?

oOo oOo oOo

Sa usapin ng patas na pagtrato sa mga suspek, napansin n’yo bang hindi man lang na-blur ang mukha ng umano’y “confessed gunman” sa pagpatay kay Percy Lapid? Pero sa kaso ng anak ni Remulla, blurred ang tapat ng mukha sa mugshot nito.

Sa kabila nito, hindi ko masasabing ang mukha ni Joel Estorial – na iniharap sa media ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos – ay pareho ng sa lalaking bumaril kay Percy Lapid, gaya ng nakuhanan ng CCTV.

Siguro mas matalas ang paningin ni Abalos kaysa marami sa atin.

oOo oOo oOo

Sa puntong ito, nais kong paglaanan ng espasyo ang pahayag ng kapatid na lalaki ni Lapid, ang beteranong mamamahayag na si Roy Mabasa, na humihiling sa Philippine National Police (PNP) na makaharap niya ang sumukong suspek upang makumpirma niya ang kanyang kuwento.

Mabasa: “I would like to request the PNP to allow the family, kahit ako na lang, to meet him. If the PNP can also do a walkthrough sa crime scene and cross-check whether the surrenderee is the same person na nakita namin sa CCTV.”

“This is not because I am doubtful of the results of the investigation, but this is just a reservation na siya talaga ‘yung nakita namin sa CCTV;

We have to cross-match. We would like to think the PNP is gracious enough to allow the family to examine these things,” ayon pa kay Mabasa.

Naniniwala ang Firing Line na makatwiran ang kahilingan niyang ito. Walang sinuman sa atin ang gustong mapanagot ang isang fall guy – hindi naman sa sinasabi kong ganoon nga siya.

oOo oOo oOo

Bago mahuli ang lahat, naulinigan ko sa mga sulok-sulok ng lansangan sa Quezon City na ramdam daw ng tricycle drivers sa isang distrito na pinabayaan na sila ng isang independent congressional candidate na ipinanalo nila noong Mayo.

Noon, ramdam daw kasi ng trike drivers ang malasakit ng bagitong politikong ito dahil noong panahon ng kampanya, binibigyan daw sila nito ng subsidiya sa gasolina na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan, at nangako raw ito na magiging “regular ayuda” na iyon sa kanila kapag nakapuwesto na ito sa Kongreso.

Ngayong nasa Kamara na siya, hindi pa rin daw nasisilayan ng trike drivers kahit na isang sentimo na ipinangako nitong ayuda. Para bang iyon ay isa lang “karaniwang pangako” na nakuha nila mula sa isang, ano pa nga ba, kundi “karaniwang politiko.”

Kamakailan, mula sa pagiging independent ay nanumpa ang bagitong politiko bilang miyembro ng Nacionalista sa harap ni House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.

oOo oOo oOo