Sa huling datos na inilabas ng Department of Health (DOH), pumalo na sa mahigit 100 ang naitalang namatay dahil sa HIV/AIDS sa bansa sa unang apat na buwan.
Ayon sa DOH, mayroon nang 139 ang kabuuang namatay kung saan 66 dito ang namatay lamang nitong buwan ng Abril.
Ang HIV (Human Immunodeficiency Virus) na siyang nagdudulot ng AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay isa sa mga pinakakinatatakutang sakit dahil wala pa itong gamot.
Pero mayroong mga bagay na pwedeng gawin para maiwasan ito, gaya ng HIV testing.
Sino ang dapat mag-HIV testing?
Wala naming dapat ikahiya o ikatakot sa HIV testing dahil unang-una mahalaga ito para malaman kung ikaw o ang partner mo ay ligtas sa HIV.
Mahalaga ring magpa-test ang mga ‘High Risk’ na tao katulad ng mga sumusunod.
- Mga lalaki na nakikipag-sex sa kapwa lalaki o MSM
- Mga taong gumagamit ng bawal na gamot at nakikipaghiraman ng karayom na gamit na (IV drug users)
- Mga taong nakikipagtalik nang walang proteksyon gaya ng condom
- Mga taong nagpapabayad para sa sex o mga commercial sex workers.
Pero kahit wala ka sa mga nabanggi ay may posibilidad ka pa ring mahawa sa pamamagitan ng:
- Pakikipagtalik sa tao na may HIV
- Pagsasalin ng dugo o mga produktong hango sa dugo o iba pang likido ng katawan gaya ng semilya, o di kaya paglilipat ng parte ng katawan (organ transplantation) mula sa taong may HIV.
- Mula sa ina papunta sa kanyang sanggol: maaaring sa pagbubuntis, panganganak, o pagpapasuso.
- Paggamit ng karayom na naiturok sa ibang tao na may HIV
Paano maka-iwas sa HIV o AIDS
Ang HIV o AIDS ay maaaring iwasan sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Iwasan ang pakikipag-sex sa kung sino-sino.
- Proteksyon (pag-gamit ng condom) pag nakikipag-sex.
- Pag-iwas sa droga o bawal na gamot na tinuturok.
Tandaan din na hindi magagamot ng antibiotics o paghuhugas ng ari pagkatapos makipag-sex ang HIV/AIDS. (Remate News Team)