Hog industry sa North Cotabato nalugi ng P5.8M sa ASF

Hog industry sa North Cotabato nalugi ng P5.8M sa ASF

December 6, 2021 @ 8:11 AM 10 months ago


NORTH COTABATO – Umabot sa P5.8 milyon ang nawala sa kita ng industriya ng pagbababuyan sa M’lang, North Cotabato dahil sa African Swine Fever (ASF).

Ito ang sinabi ng municipal agriculture office nitong nakaraang Biyernes, Disyembre 3.

Ayon sa lokal na pamahalaan, namigay umano sila ng nasa P5,878,500 na financial assistance sa mga apektadong hog owners ng nasa 1,618 na mga baboy na isinailalim nila sa culling.

Depende sa kategorya ng kanilang alagang baboy, ang bawat may-ari ay makatatanggap ng P500 sa bawat biik, P1,000 sa bawat weanling, P4,000 sa bawat grower o fattener at P7,000 sa bawat boar at sow na maisasama sa naturang proseso ng pagpatay upang maiwasan ang pagkalat ng ASF.

Sa kabila ng pagkalugi, napigilan naman umano ayon kay Arlyn Encarnacion, town agriculturist, ang mahigpit nilang pagbabantay sa ASF at mga pamamaraan upang hindi na ito kumalat pa sa ibang komunidad.

Mayroon ring mga checkpoint sa lahat ng entry at exit points sa munisipalidad.

“All travelers, including residents, are being checked to ensure no pork products will enter and go outside the area, which we assumed are contaminated with the virus,” dagdag pa ni Encarnacion.

Maituturing na red spots ang nasa anim na komunidad sa M’lang katulad ng New Lawaan, New Antique, Lika, Dalipe, Katipunan at Inas. RNT