Holdaper sa Malabon kalaboso

Holdaper sa Malabon kalaboso

July 7, 2021 @ 11:15 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Arestado ang isang umano’y holdaper matapos kumasa ang dalawang technician na kanyang hinoldap at inagawan ng cellphone sa Malabon city, kamakalawa ng gabi.

Kaagad na iniutos ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot kay Sub-Station-3 commander P/Maj. Carlos Cosme ang pagsasampa ng kasong robbery hold-up at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act laban kay Alexis Padilla, 29, residente ng Block 21, Lot 5, Dulong Hernandez, Barangay Catmon.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol, hawak nina Genesis Aberilla , 25 ng No. 15 Angela Street at Louie Limsiaco, 32 ng No. 9 Magnolia Street sa Barangay Maysilo ang kani-kanilang cellular phone na parehong nagkakahalaga ng P12,000 habang naglalaro ng mobile legend dakong alas-9:30 ng gabi sa Angela St. sa naturang barangay nang sumulpot ang suspek na armado ng kalibre .38 revolver at nagdeklara ng holdap.

Habang kinukuha ng suspek ang mobile phone ng mga biktima, nakakita ng pagkakataon ang dalawa na agawin ang baril hanggang sa pambubuno ang mga ito na nakatawag pansin sa mga nagrorondang tanod na nagresulta sa pagkakadakip kay Padilla.

Nabawi sa suspek ang ginamit nitong baril na may kargang tatlong bala at ang inagaw na mobile phone ng mga biktima na gagamiting ebidensiya ng mga pulis sa pagsasampa ng kaukulang kaso. (Boysan Buenaventura)