Holdaper, tiklo sa pulis

Holdaper, tiklo sa pulis

August 7, 2018 @ 3:54 PM 4 years ago


 

Caloocan City – Isa sa dalawang holdaper na nambiktima sa 25-anyos na estudyante ang namatay matapos makipagbarilan sa mga pulis habang naaresto naman ang kasama nito sa Caloocan City kaninang madaling araw.

Si Fernando Panti, 24, taga-Bagong Silang ay hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4 ng madaling araw, naglalakad ang biktimang si Janine Cruz sa path walk ng Phase 1 nang tutukan ng baril ng mga suspek sabay pahayag ng holdap bago sapilitang kinuha ang kanyang bag na may lamang cellphone at personal na mga gamit bago nagsitakas.

Humingi naman ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 3 na agad nagsagawa ng follow-up operation hanggang sa makita ang mga suspek sa kahabaan ng Phase 8A.

Nang mapansin ni Panti ang mga pulis, naglabas ito ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad na nauwi sa palitan ng mga putok hanggang sa tamaan sa katawan ang suspek, habang nadakip naman ang kasama nito na nakilalang si Niño Ubalde, 32 na nagtaka pang tumakas.

Narekober ng mga tauhan ng SOCO sa nasawi ang isang kalibre .38 revolver subalit, hindi na nabawi ang mga gamit at cellphone ng biktima. (Rene Manahan)