Holiday pay rules sa May 9, ipinaalala ng DOLE

Holiday pay rules sa May 9, ipinaalala ng DOLE

May 9, 2022 @ 8:51 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na sundin ang tamang pay rules sa Mayo 9, matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang araw ng halalan bilang special non-working holiday.

Naglabas ang ahensya ng pahayag noong Linggo, na nagpapaalala sa mga pribadong kumpanya na magbayad ng karagdagang 30% sa mga empleyado na kinakailangan magtrabaho sa Lunes.

Ang isang special non-working holiday ay nangangahulugan na ang mga magtatrabaho sa araw na ito ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanilang pang-araw-araw na rate, habang ang mga hindi magtatrabaho ay “no work, no pay”.

“We highly encourage our workers who are registered voters to exercise their rights to suffrage, and if they will report to work on May 9 after casting their votes, they must receive an additional 30 percent in their daily pay,” sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Mahigit 65 milyong Pilipino ang nagparehistro para bumoto para sa 2022 elections, mas mataas ng 3.9 milyon kaysa noong 2019.

Sa kabila ng patuloy na pandemya ng COVID-19, inaasahan ng Commission on Elections na mas maraming Pilipino ang gagamit ng kanilang karapatang bumoto sa Mayo 9. RNT