Hollywood actor Stephen Baldwin, suportado ang ‘war on drugs’ ni Pangulong Duterte

Hollywood actor Stephen Baldwin, suportado ang ‘war on drugs’ ni Pangulong Duterte

August 2, 2018 @ 5:03 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Tiniyak ng actor na si Stephen Baldwin na suportado niya ang campaign against illegal drugs ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Special Assistant to the President Christopher Bong Go, sinabi ni Baldwin kay Pangulong  Duterte na kaisa siya ng pangulo sa pagprotekta sa mga kabataan laban sa illegal drugs.

Sinabi ni Go na ipinaliwanag ni Baldwin sa pangulo na isa sa mga rason kung bakit ginawa ang pelikulang “Kaibigan” ay para maiparating ang isang mahalagang mensahe sa mga kabataan hinggil sa mga balik ng mga maling desisyon sa buhay.

Ipinaliwanag aniya ni Baldwin na isa sa mga pinakaepektibong promotion ng advocacy kabilang ang kampanya laban sa illegal drugs ang pelikula tulad ng kanilang pelikula na “Kaibigan”.

Inihayag ni Go na kumbinsido si Baldwin na kung maipatutupad nang mas maaga sa mga kabataan ang pag-iwas sa mga bisyo ay magiging mas madali ang trabaho ng gobyerno kabilang ang pangulo.

Samantala, kinumpirma ni Go na tinanggap ng Pangulo ang imbitasyon ni Baldwin na manood sa premier ng pelikulang “Kaibigan” anumang araw sa Oktubre o Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Kinumpirma din ni SAP Go na gagampanan niya sa nasabing pelikula ang pagiging coach ng basketball team ng National City High School kung saan players niya ang Perkins twins bilang mga estudyante.

Dagdag ng kalihim, walang TF ang role niya sa pelikula dahil ang mahalaga ay maikintal sa isip at puso ng mga manonood ang mahigpit na kampanya ng Pamahalaan laban sa iligal na droga at makatulong sa mga kabataan.

Maliban sa isyu ng kanyang paparating na pelikula, binigyan din ni Baldwin ng kanyang librong “The Unusual Suspect” si Pangulong Duterte. Kris Jose