HOME FIRE SAFETY, KAILANGAN

HOME FIRE SAFETY, KAILANGAN

February 2, 2023 @ 1:34 PM 2 months ago


MARAMING gamit ang apoy. Pwede sa pagluluto, pantunaw ng bakal at iba pa pero mahirap din itong kalaban dahil maaari nitong sunugin ang hindi dapat.

May tatlong elemento ang apoy para mangyari, tinatawag itong ‘fire triangle’. Binubuo ito ng fuel, heat at oxygen.

Nagtutuloy-tuloy lamang ang pagliyab dahil sa tinatawag na chain reaction ng tatlo. Isa lamang sa mga elemento ang kailangang tanggalin para maapula ito.

Marami na ang nagbuwis ng kanilang buhay at ari-ariang naabo dahil sa fire accident. Sa record ng Bureau of Fire Protection, tinatayang umabot sa 13K kaso ng sunog ang naitala nito lamang nakaraang taon. Kabilang sa talaan ang ilang residential fire event.

Karaniwang dahilan ng trahedya ang naiwang umaapoy na kandila, naiwang bukas na gas stove, faulty wiring, arson, electrical overload, defective appliances at iba pa.

Kaya mainam din na mayroon tayong batas na RA 9514 o Fire Code of the Philippines of 2008 na magiging gabay ng lahat para makaiwas sa panganib ng sunog. Iyon nga lang, may limitasyon din ang batas. Sa ating interpretasyon, hindi lahat ng residential houses ay kailangan ng Fire Safety Inspection Certificate. Karaniwang mga business enterprise, building owner, mall, industrial at iba pang establisimyento na nangangailangan ng business permit ang obligadong sumunod.

Kaya ang payo natin sa mga residente o may-ari ng bahay na hindi naman nagnenegosyo, maging aktibo tayong alamin ang fire prevention measures.

Sa ganitong paraan, maililigtas natin ang buhay ng buong pamilya gayundin ang mahahalagang mga ari-arian. Mas praktikal kung magkukusa tayong maglagay ng mga aprubado at may integridad na fire detection, alarm and communication system.

Makatutulong din ang pagbili ng aprubadong fire extinguishers. Kailangan lamang gawin ang buwanang inspeksiyon para masiguro ang maayos na kondisyon nito. Alamin din ang emergency procedure at contact number ng malapit na fire station sa inyong lugar para makaresponde kaagad ang mga awtoridad gayundin ang mga fire volunteer.

Maaaring may kamahalan ang ating payo, pero hindi ba mas malaki ang maaaring mawala kapag nasunugan tayo?