Home for the Angels binisita ng Queen sisters ng Pinas, Vietnam

Home for the Angels binisita ng Queen sisters ng Pinas, Vietnam

October 4, 2022 @ 1:38 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng Xin Chao Manila na proyekto ng “Queen Sisters” mula sa bansang Vietnam at Pilipinas, bumisita sila sa Home for the Angels na isang non-profit organization upang personal na iabot ang P250,000 donasyon o tulong sa mga batang inabandona na patuloy na kinakalinga nito na matatagpuan sa ikalimang distrito ng lungsod ng Maynila.

Personal na iniabot ang nasabing donasyon nina Nguyễn Huỳnh Kim Duyên, dating Miss Universe 2021 Top 16 at reigning Miss Supranational 2022 2nd Runner-Up, at Miss Universe 2018 Top 5 Nuê H’Hen kay Myrna Verecio na nagsisilbing administrator ng Home for the Angels.

Katuwang ng nasabing kaganapan sina Manila 5th District Congressman Irwin Tieng at maybahay nito na si Mrs. Ladylyn Riva-Tieng, na naging kandidata sa Binibining Pilipinas.

Inorganisa ng “We Will Because We Can Movement to champion camaraderie amongst two countries” pageant community ang nabatid na proyekto kung saan dinaluhan din ito nina Vice Mayor Vice-Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto bilang kinatawan ni Manila Mayor Honey Lacuna at Miss Earth 2015 Angelia Gabrena Ong kasama sina Cory Tran, international designer/producer, at Ms. Tuyết Lê.

Napag-alaman na ipinatayo ni Rep. Lito Atienza na noo’y alkalde pa lamang ng Maynila ang Home for the Angels noong Peb. 14, 1995 kung saan halos 28 taon na itong pinatatakbo sa tulong ng mga donasyon mula sa mga pribadong sektor at indibidwal

Ayon kay Myrna Verecio, administrator ng Home for the Angels, nasa 18 bata na edad 0 hanggang 3 taong gulang ang kanilang inaalagaan at kinakalinga na ang karamihan o 70 percent ay mga iniwan na sa Ospital ng kanilang ina pagkapanganak at ang iba naman ay natagpuan sa basurahan at iniwan na lamang kung saan .

Kaugnay nito, nanawagan naman si Ladylyn Riva-Tieng na isa sa aktibong tumutulong sa Home for the Angels ng suporta para sa mga abandonadong bata.

Pagkatapos ng nasabing aktibidad ay sinamahan naman ang mga beauty queens na umikot sa historic walled city sa Intramuros na kabilang sa “higlights” ng dalawang araw nilang aktibidad sa bansa. JAY Reyes