Home quarantine sa fully vaxxed, asymptomatic COVID patient, pwede sa Valenzuela

Home quarantine sa fully vaxxed, asymptomatic COVID patient, pwede sa Valenzuela

January 11, 2022 @ 7:47 AM 7 months ago


MANILA, Philippines –  Maaari nang manatili at magpagaling na lang sa bahay ang mga fully vaccinated na residente sa Valenzuela City kapag nagpositibo sila sa COVID-19.

Kabilang din sa pinayagan na ng Valenzuela local government na mag-home quarantine ay ang mga COVID patients na asymptomatic o may mild hanggang moderate na sintomas.

Paglilinaw ng city government na sisimulang payagan ang home quarantine sa mga indibidwal na may Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) swab test simula Enero 8.

Ang mga pasyente naman na sasailalim sa home quarantine ay kinakailangang may sariling kwarto, wala dapat ibang tao rito, sariling banyo, at sariling kagamitan, tulad ng higaan, utensils, at hygiene kits.

Sampung araw naman ang kailangan nilang kumpletuhin para sa kanilang isolation, o ang bilang ng araw na abiso sa kanila ng doktor.

Kapag nakaranas naman ng paglala sa sintomas, dapat agad silang makipag-ugnayan sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).

Ang mga nakatira naman kasama ng pasyente at mga nakasalamuha ay dapat na sumailalim sa RT-PCR tests.

Ang kanilang kabahayan ay isasailalim sa lockdown habang hinahantay ang resulta ng RT-PCR result ng lahat ng miyembro ng pamilya o kasama sa bahay.

Ang mga opisyal mula sa CESU ay magbabantay at magsasagawa ng mga sorpresang inspeksyon para masigurong nakasusunod ang pasyente sa e home quarantine protocols.

Makukuha naman ang certificate of quarantine sa CESU kapag natapos na ang kwarantin.

Ang mga residenteng magpopositibo sa COVID na walang sariling kwarto o mas gusto na manatili sa isolation facilities ay maaaring makipag-ugnayan din sa CESU. RNT