HOME QUARANTINE UPON ARRIVAL AT REGION-7 COVID-19 SURGE

HOME QUARANTINE UPON ARRIVAL AT REGION-7 COVID-19 SURGE

July 14, 2021 @ 2:14 PM 1 year ago


SINASABI ng mga awtoridad sa kalusugan sa Central Visayas na nagaganap na ang ikatlong daluyong o pagsipa o surge ng coronavirus disease-19 o COVID-19.

Dapat na mapag-aralan ito nang husto upang maituwid ang sitwasyon at maging aral para sa ibang mga lugar at rehiyon ng mahal kong Pinas.

INCUBATION PERIOD

Nasa 7 hanggang 14 araw o higit pa ang sinasabing paghinog o incubation period ng COVID-19 sa taong nahawa rito.

Hulyo 14, 2021 na at sa nakalipas na dalawang linggo sa buwang ito, kasama ang Hunyo, naobserbahan ang pagsipa ng pandemya sa mga lugar na sakop ng Central Visayas.

Heto ang pinakahuling rekord, ayon kay Dr. Eugenia Mercedes Cañal, regional chief of the Department of Health’s (DOH) Regional Epidemiology and Surveillance Unit.

Nitong July 11, Negros Oriental ang may pinakamataas na pagsipa sa pagkakaroon ng kasong 3,563 at sinundan ito ng Bohol – 1,987; Cebu City – 1,114; Cebu province – 861; Lapu-Lapu City – 447; Mandaue City – 340; at Siquijor – 32.

Ang mga lugar na ito ang bumubuo ng Central Visayas o Region 7.

PIYESTA, KASAL, BINYAG

Sa pag-aaral ng DOH-Central Visayas, sumipa ang pandemya dahil sa pagdaraos ng mga mamamayan ng mga piyesta, kasalan, binyagan at iba pang mga pagtitipon.

Dito umano nakitaan ang mga mamamayan ng paglabag sa mga health protocol gaya ng hindi pagsusuot ng face mask at face shield, kawalan ng social distancing, hindi paghuhugas ng kamay at iba pang panlaban sa hawaan sa sakit.

Kaya naman, muli nilang hinihigpitan ang pagpapatupad ng mga health protocol, maging ang pagtatayo ng mga border control na hagip maging ang mga lokal na nagbibiyahe mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

‘Yun bang === may mga checkpoint para malaman kung bakunado, may swab test result at walang lagnat ang mga biyahero pagpasok sa isang lugar, paglalagay ng kwarantina kung kinakailangan at iba pa.

SWAB TEST UPON ARRIVAL AT HOME QUARANTINE

Itong patakarang ito ang dapat na isama sa pag-aaral bilang dahilan ng COVID surge.

Ayon sa DOH-7, apat na virus ang nagsasama-sama para magkaroon ng COVID surge at humalo ang mga ito sa mga piyesta, binyag, kasal at iba pang maramihang pagtitipon.

Ang orig na virus, Brazil variant, South Africa variant at Philippine variant.

Pero hindi ba nagmula ang surge sa buwan pa ng Hunyo na kasagsagan ng pagpapatupad ng swab test upon arrival at home quarantine kung negatibo sa swab test ang mga galing sa ibang bansa na lumalapag sa Mactan-Cebu International Airport?

Matapos ang swab test, agad pinauuwi o pinaalis ang overseas Filipino workers, returning Filipinos at dayuhan kung negatibo ang mga ito saka mag-home quarantine at muli silang sinu-swab test sa ika-7 araw.

Paano ang mga nakalulusot sa swab test na karaniwang bagong impeksyon?

Hindi ba sa kanilang hanay galing din ang mga pinagmumulan ng COVID surge?

Alalahaning maaaring kasama rin sila sa mga piyesta, binyag, kasal at iba pa.

TINAPOS ANG PATAKARAN

Para matiyak ang tamang pagpapairal ng health protocol sa pagdating ng mga galing sa labas ng bansa, kinakailangan pang i-divert ang mga eroplano mula sa Mactan-Cebu International Airport sa ibang mga airport, lalo na ang Ninoy Aquino International Airport.

Ito’y para matiyak na makwarantina ang mga dumarating ng kahit papaano 10 araw sa mga quarantine facility at ma-home quarantine sa huling 4 na araw.

‘Yun ay kung negatibo sila sa swab test sa ika-7 araw na minimum na haba ng panahon ng obserbasyon kung may tama o wala ang isang tao.

Ngayong tumalima ang pamahalaang Cebu sa patakarang ito na pambansa, muling may biyahe palapag ng CMIA.

Hindi rin kasi pinagbigyan ng Inter-Agency Task Force ang hirit mismo ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na gawin na lang ang swab test upon arrival at agarang pagpapauwi sa tahanan  para sa mga taga-Cebu lamang.

PAMBANSANG PATAKARAN HUWAG BALEWALAIN

Nakikita ang pagiging epektibo ng pambansang patakaran sa biyaheng internasyunal at lokal na pinaiiral ng IATF at naaayon sa kung ano ang umiiral na uri ng kwarantina.

Maging ang mga ispesyal na aksyon gaya ng pagkakaroon ng border control na internasyunal, gaya ng pagpapatigil ng biyaheng pa-Pilipinas ng mga galing sa India, Pakistan, Sri Landa, Bangladesh, Oman, United Arab Emirates at Nepal.

Dapat malinaw na imported ang mga mababagsik na variant na nakapasok na sa Pinas at sinamahan pa ng pinakamabagsik sa variant, ang Delta o India variant, at ng orig virus ng COVID-19 kaya dapat sumunod ang lahat sa IATF.