Honorarium ng poll workers, target dagdagan ng Comelec

Honorarium ng poll workers, target dagdagan ng Comelec

February 21, 2023 @ 5:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nais ng Commission on Elections (Comelec) na itaas ang honorarium ng mga poll workers hanggang P10,000.

Ayon kay Comelec Chairma George Garcia, ang pagtaas ng kanilang honorarium ay magsisimula sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Anang opisyal, gagawa ang Comelec ng paraan upang maging P10,000; P9,000; P8,000 ang matatanggap ng poll workers sa araw ng halalan.

Paliwanag ni Garcia, ang planong madagdagan ang honorarium ng mga manggagawa sa halalan ay dahil sa manual na idaraos ang botohan.

Ang karaniwang natatanggap ng mga poll workers tuwing botohan ay P6,000 sa chairman, P5,000 sa members at P4,000 sa nagtatrabaho sa presinto.

Sinabi ni Garcia na isa sa mga dahilan ng posibleng pagtaas ay dahil maliit na halaga na lamang ang matitira sa mga poll workers dahil sa buwis.

Sinabi rin ni Garcia na magdaraos ang Comelec ng mock automated election sa Hunyo para sa 2023 BSKE.

Samantala, ipinaliwanag ni Garcia kung bakit napagdesisyunan na magsagawa ng pilot testing ng automated election system para sa BSKE sa tatlong barangay sa bansa.

Sinabi ng Comelec na ang mga botante sa dalawang barangay sa Dasmarinas, Cavite at isa pang barangay sa lungsod ng Quezon ay maaring bomoto sa pamamagitan ng automated voting sa Oktubre 30.

Paliwanag ni Garcia, maaring magamit din ang makina sa barangay election sa 2026 sakaling ito ay maayos pang gamitin.

Aniya, kung mangyayari ito ay maaring makatipid at mapabibilis pa ang pagbilang ng mga balota sa mga presinto kumpara sa mano-manong pagbilang ng mga balota.

Una nang sinabi ni Garcia na habang ang tatlong barangaysay magsasagawa ng automated elections, idaraos pa rin naman ang manual voting, na may SD card na pisikal na ihahatid sa canvassing area. Jocelyn Tabangcura-Domenden