Hontiveros: Divorce bill ‘di makaaapekto sa pananaw ng Simbahan sa kasal

Hontiveros: Divorce bill ‘di makaaapekto sa pananaw ng Simbahan sa kasal

July 13, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Risa Hontiveros na hindi makakaapekto sa pananaw ng Simbahan sa kasal ang panukalang Divorce Bill na kanyang inihain kamakailan.

Sa panayam, sinabi ni Hontiveros na matutulong pa ito sa miyembro ng LGBTQ community hinggil sa stigma.

“Hindi nito aapektuhan ang pagpapahalaga ng iba’t ibang religious groups, simbahan, at faith communities sa sakramento ng kasal dahil itong dissolution of marriage bill, hindi makikialam sa pansimbahang aspeto ng kasal,” ayon kay Hontiveros sa virtual interview.

Iginiit pa ni Hontiverso na apektado ang panukala ang malusog at masayang pagsasama ng mag-asawa dahil layunin nitong kapwa sila protektahan.

“Hindi nito aapektuhan ‘yung mga malulusog na mga kasal na pinagdiwang sa simbahan at malulusog hanggang ngayon. Ito lamang ay may implikasyon sa legal relationship at obligasyon sa pagitan ng mag-asawa na kalaunan ay naging abusado o pabaya at bayolente pa nga,” dagdag niya.

Ipinaliwanag pa ni Hontiveros na magbibigay din ito ng proteksiyon sa miyembro ng LGBTQ mula sa stigma dahil hindi ikokonsidera ang sexual orientation, gender identity and expression (SOGIE) bilang matibay na dahilan sa diborsiyo.

“‘Yung SOGIE ng isang asawa, ‘di na sya magiging ground para sa dissolution of marriage bilang bahagi na rin sa isa pang malawak na advocacy natin sa SOGIE equality na hindi tayo nag-ii-stigmatize, hindi tayo nagdi-discriminate ng sino mang kababayan o kapwa tao sa batayan ng kanyang SOGIE,” aniya.

Muling inihain ni Hontiveros ang panukala sa 19th Congress upang matiyak na mabibigyan ng proteksiyon ang mga anak sa apektadong kasal at gawing mura, mabilis at makakaya ang kaso ng diborsiyo sa bansa. Ernie Reyes