Hontiveros duda sa gov’t importation ng asukal

Hontiveros duda sa gov’t importation ng asukal

February 23, 2023 @ 5:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros ang tila government-sponsored smuggling ng tone-toneladang asukal sa bansa na pinili ang kompanyang pwedeng umangkat na lubhang magpapahirap sa lokal na sugar farmers at miller.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na tila nangangamoy “government-sponsored” smuggling ang pag-aangkat ng mahigit 450,000 metriko toneladang asukal na nagiging mapait sa panlasa ng lokal na magsasaka.

“Tone-toneladang asukal ang pinag-uusapan dito, 450,000 metric tons, pero bakit ang pait?,” ayon kay Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, tatlong kompanya na pinili mismo ng Palasyo ang pinayagang makapag-angkat ng asukal para sa buong bansa na lubang nakakapagduda.

“Biruin nyo, tatlong kompanya, halos na handpicked pa, ang pinayagan na mag-angkat ng asukal para sa buong bansa. Di ba kaduda-duda yan? Di ba sa ganyan nagsisimula ang kartel? Paanong hindi mangangamoy “government-sponsored smuggling” yan?,” giit ni Hontiveros.

“Wag sanang daanin sa palusot at paikot-ikot ang ating mga kababayan,” dagdag ng opposition senator.

Sinabi ni Hontiveros na mistulang economic sabotage ang pag-aangkat ng 450,000 metriko toneladang asukal na maituturing na large-scale agricultural smuggling.

Ayon sa batas, giit ni Hontiveros, na nakatakda sa Anti-Agricultural Smuggling Act (RA 10845), bawal ang pagpasok sa bansa ng asukal na hindi bababa sa P1,000,000 ang halaga, at walang tamang permit.

“Kaya sa pag-amin kahapon ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban na sila ang namili at nag-utos sa tatlong kumpanya na mag-import, sana ay handa silang humarap sa mga seryosong kasong kriminal at administratibo,” aniya.

“Ikalawa, Inamin din ni Usec. na ang basehan nila ay hindi Sugar Order mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) kundi memo lang mula sa Office of the Executive Secretary,” ayon kay Hontiveros.

Iginiit pa ni Hontiveros na kung pagbabatayan naman ang charter ng SRA (EO No. 18, series of 1986), tanging ang SRA  – at hindi si Panganiban mismo – ang may kapangyarihan na mag-issue ng permits at licenses tulad ng sugar orders para sa pag-angkat ng asukal.

“Pitong buwan na mula nang mabulgar ang sugar import fiasco, bagong fiasco ulit? Sino nanaman ang nag-utos nyan? Sino at ano ang nag-udyok sa kanila na gawin ang ika nya ay “hasty decision” na yan?,” ayon kay Hontiveros.

“Once, and for all, para mapanatag naman ang mga consumers, nananawagan ako kay Presidente: lagdaan na nila ang isang maayos na sugar order na hawig sa mga dating sugar orders na pangmaramihang importers,” giit pa niya.

Aniya, hindi magiging makatarungan ang presyo ng bilihin kung tila isinasantabi ng SRA ang batas sa pamamagitan ng pagpili ng tatlong kumpanya na nagdidikta sa presyo ng asukal sa Pilipinas.

“Kung tutuusin at hindi dadaan sa cartel, pwedeng pababain ng 440,000 metric ton ng validly imported na asukal ang presyo ng asukal sa ating bansa pabalik sa P60 kada kilo. Malaking tulong iyan para sa mga magulang na naghahanda ng panghimagas, sa mga maliit na karinderya at tindahan, hanggang sa malaking restaurants at factories ng food products,” giit pa ng mambabatas.

:Pero kung cartel lang pala ang makikinabang, malamang kickbackan, kontratahan, at katiwalian lang ang magiging resulta, at sa huli, hindi rin bababa presyo,” aniya.

“Sa tantya ng aking opisina, nasa P60 per kilo dapat ang SRP ng asukal sa bansa kung may validly imported na supply. That is the real sweet spot, hindi itong binubuong mapait na cartel,” pagtatapos ng senadora. Ernie Reyes