Hontiveros kay Marcos: Duterte ‘wag tularan sa sobrang pangungutang

Hontiveros kay Marcos: Duterte ‘wag tularan sa sobrang pangungutang

November 11, 2022 @ 4:06 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Risa Hontiveros kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag tularan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na umutang nang sobra-sobra upang punan ang gastusin ng pamahalaan kaysa magtipid.

Sa pagpapatuloy ng deliberasyon ng 2023 national budget, sinabi ni Hontiveros na hindi dapat tularan ni Marcos si Duterte na umutang upang pondohan ang build-build, build program nito na hindi naman natuloy partikular ang proyektong popondohan ng China.

“’Wag sanang tularan ni President Marcos si ex-President Duterte na nagpumilit umutang sa China kahit hindi naman kailangan. Kaya, President Marcos, hinay-hinay lang sa pera ng bayan,” ayon kay Hontiveros sa statement nitong Biyernes, Nobyembre 11.

Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang proyektong dapat popondohan ng China, ang P18-billion Kaliwa Dam at ang P171-billion South Luzon Long Haul Rail Project mula Calamba hanggang Matnog sa Sorsogon.

Sinabi ng deputy minority leader na nakabitin ang proyekto dahil hindi pa tinutupad ng Chinese investors ang pangako nitong magpapautang sa gobyerno.

“The delay is actually a blessing in disguise,” aniya.

“Dapat maiwasan ni President Marcos ang mga dambuhalang utang na naka-amba dahil kay President Duterte, lalo na kung hindi naman pala utang ang kailangan ng mga proyektong ito. We should do everything so government avoids taking on the heavy loan burden itself,” giit ni Hontiveros.

Ibinahagi din ng Senadora na mayroon nang maikling listahan ng mga kompanyang pribado na naging kuwalipikado sa paglalaan ng capital investments sa dalawang pangunahing proyektong ito.

Iminungkahi din niya sa National Economic Development Authority na repasuhin ang economic viability nbg Mindanao Rail at Subic-Clark Rail projects.

“We have reason to believe that economic evaluation of these projects was not thorough at all. These two projects were also originally offered for China to finance, but the need for them at this time should really be re-examined. Baka wala pong sumakay at maging white elephant projects lang ang mga ito,” ayon kay Hontiveros.

“Duterte’s pivot to loan financing to the exclusion of PPP for his flagship projects was an unsustainable tactic, and reliance on China for loans even more so,” aniya.

Base sa ulat ng Bureau of Treasury na umabot na sa P13.517 trillion sa pagtatapos ng September 2022 ang outstanding debt ng Pilipinas.

“The Philippine government has also exceeded the borrowing limit that it set for 2022,” ani Hontiveros. Ernie Reyes