Hontiveros kay PBBM: Babala ng mga ekonomista, tugunan

Hontiveros kay PBBM: Babala ng mga ekonomista, tugunan

July 13, 2022 @ 9:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Dapat tugunan agad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., Na namumuno sa Department of Agriculture ang namumuong food crisis upang maiwasan ang posibleng “catastrophe”, ayon kay Senator Risa Hontiveros.

Ito ay reaksyon niya sa panawagan ng sektor ng agrikultura na magdeklara ng “state of emergency” o “state of calamity” sa agrikultura.

Ani Hontiveros, susuportahan umano niya ang anumang gawin ng pamahalaan, kung ito ang kinakailangan.

Subalit iginiit niya na ang mahalaga, ay ang agad na tugon ng pamahalaan sa problema.

“Ang mas importante ay tugunan ang babala ng ating mga ekonomista, ng ilang linggo na na mayroon nang food crisis sa ngayon. At kailangan nating umaksyon agad at sa tamang paraan para hindi ito maging food catastrophe. Marami na pong panukala na pending, na puwedeng gamitin ni Presidente at Agriculture Secretary para tugunan itong ating problema. Hindi lang ng presyo ng pagkain dahil sa presyo ng langis, pati nga yung suplay ng pagkain,” pahayag ni Hontiveros.

Dapat umanong mabigyan ng food subsidy ang mga naninirahan sa mga probinsya, lalo na ang mga magsasaka, mangingisda, indigent families at indigenous peoples, base kay Hontiveros.
Binanggit din ni Hontiveros ang mga alalahanin ng mga Pilipino sa resulta ng Pulse Asia: inflation (57 porsyento); dagdag-sahod (45 porsyento); kahirapan (33 porsyento) at mas maraming trabaho (29 porsyento).

“Yan (poverty) talaga ang pinakamalawak, pinakamatagal at pinakamalalim na problema natin. At ito ay isa sa pinaka-importanteng natitirang unfinished business sa People Power Revolution… Matutugunan lang talaga natin ang kahirapan…kailangan talaga yung paghahati-hati muli ng yaman ng resources. Ibig sabihin hindi lang oportunidad pero paghahati hati ng kapital, ng lupa, ng ibang productive forces,” ani Hontiveros.

Ayon pa sa senador, dalawang linggo bago ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr., nais niyang marinig mula sa Pangulo ang mga programa ng kanyang administrasyon sa pagtugon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, petrolyo, suplay ng pagkain, climate change, energy resources at kalusugan. RNT/SA