Hontiveros kinontra ni Tolentino sa interes ng mga terorista sa nuclear waste

Hontiveros kinontra ni Tolentino sa interes ng mga terorista sa nuclear waste

December 2, 2022 @ 1:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinontra ni Senador Francis Tolentino ang naging pahayag ni Senador Risa Hontiveros na posibleng pagka-interesan ng mga teroristang grupo ang nuclear waste ng Pilipinas sa oras na gamitin ito ng bansa bilang energy source.

“E ‘di sana nangyari na ‘yon sa ibang mga lugar,” sinabi ni Tolentino nang tanungin tungkol sa pahayag ng Senador.

Aniya, kapansin-pansin na sa pagpapatuloy ng gulo sa pagitan ng Ukraine at Russia, iniiwasan ng pwersa ng bansa ang mga lugar na may nuclear plants dahil maaari itong magdulot ng pagsabog.

“Kung papanoorin ninyo itong labanan ng Ukraine-Russia medyo iniiwasan din nila ‘yung mga nuclear plants. Minsan lang may mga threats pero wala pa naman tayo nabalitaan na pinasabog…So kahit saan may risk e,” paliwanag ni Tolentino.

Matatandaan na nagpahayag ng pagkontra si Hontiveros sa planong nuclear program sa bansa dahil magiging banta ang mga radioactive waste sa mga Filipino.

“There is no assurance that the Philippines will avoid any nuclear accidents if it does pursue nuclear energy, given that such accidents have happened even in countries like Japan and the United States. Worse, radioactive waste and raw material for nuclear energy in the Philippines could be a target for local and foreign terror groups seeking to get their hands on radiological materials,” sinabi ni Hontiveros.

Si Tolentino ang naghain ng panukala na bumuo ng comprehensive nuclear regulatory framework sa Senado at tahasang ipinahayag ang pagsuporta nito sa inisyatibo na pababain ang halaga ng kuryente sa Pilipinas.

“Nahuli na nga tayo e. Magkasama kami ni Congressman Mark Cojuangco rito. Sinusuportahan ko rin ‘yung mga initiative niya kasi ang mahal ng kuryente natin, ‘di ba? Doon na napupunta lahat ‘yung panggastos ng isang pamilya sa kuryente… so panahon na siguro na sumama na rin tayo sa ginagawa ng ibang bansa, mura ang kuryente,” aniya.

Bagama’t banta ang lindol sa pagpapatayo ng nuclear power plants, sinabi pa ni Tolentino na hindi naman maiiwasan ang bagay na ito.

“Palagay ko. Siguro puwede ang pinakamalaking risk natin lindol. E lahat naman siguro nililindol din e wala naman makaka-iwas sa lindol.”

Matatandaan na nabuhay ang usapin ng nuclear energy sa pagdating ni US Vice President Kamala Harris sa Pilipinas kamakailan. RNT/JGC