Hontiveros sa DOH: Kapasidad sa pagbabakuna, booster info drive vs Omicron palakasin

Hontiveros sa DOH: Kapasidad sa pagbabakuna, booster info drive vs Omicron palakasin

January 4, 2022 @ 12:12 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Health na palakasin ang kapasidad ng pagbabakuna at booster info drive sa gitna nang tumitinding banta ng Omicron variant sa bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kailangan ng bagong uri ng kahandaan ang hinihingi sa atin ng Omicron.

“Nananawagan ako sa Department of Health (DOH) na itaas pa ang vaccination capacity sa buong bansa bunsod ng surge dahil sa Omicron. Bigyan dapat ng pansin ang mga lugar na mababa pa rin ang vaccination rate,” ani Hontiveros.

Sinabi ng senadora na sa pakikipagtulungan sa mga LGUs at private sector, dapat madagdagan ang mga vaccination sites at vaccination teams upang mas marami ang mabakunahan.

“The active COVID cases have nearly doubled in three days. The positivity rate is almost four times the ceiling set by the World Health Organization. Huwag na nating hintayin na sobrang lumala pa ang sitwasyon bago tayo gumawa ng paraan para mapabilis ang ating pagbabakuna,” giit ni Hontiveros.

Dagdag pa ng mambabatas na dapat ring palakasin pa ang information drive ng booster shots, para sa mga taong may halos tatlong buwan na ang nakakaraan mula noong kanilang second dose.

“Kinakalampag rin natin ang IATF na gawing libre at mas abot-kamay ang COVID-testing, lalo na sa mga taong may sintomas. In addition to this, the Bureau of Quarantine also has to ensure that they have enough personnel to properly monitor the accredited quarantine facilities so nobody dares to violate the strict quarantine protocols,” ayon sa reelectionist na senador.

Dahil din dito, nanawagan si Hontiveros sa  ating mga kababayan na huwag  maging kampante. “Huwag balewalain ang panganib na dala ng COVID variants. Patuloy nating sundin ang minimum health protocols, lalo na at kailangan ng dagdag na proteksyon ng mga senior citizens at ng mga may commorbities.”

“Magpabakuna na tayo sa lalong madaling panahon, palaging mag-mask, dumistansya, maghugas ng kamay, at mag-isolate kung nakakaramdam ng sintomas. Malaki ang tiwala kong mas malakas ang surge capacity ng ating health system ngayong 2022,” himok ng senadora.

“Papasok na tayong mga Pilipino sa ikatlong taon ng pakikipagbuno sa COVID, ngunit huwag nating hayaang patamlayin ng Omicron variant ang ating pag-asa ngayong Bagong Taon,” patapos nh mambabatas. Ernie Reyes