HOROSCOPE DECEMBER 12, 2022

HOROSCOPE DECEMBER 12, 2022

December 12, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Magtrabaho na nang husto ngayon upang makahirit ka ng day-off sa mismong mahalagang okasyon ngayong huling buwan ng taon. Kung may nakaalitan na kaanak o kaibigan sa nagdaang panahon, magandang pagkakataon ang masayang okasyon upang makaipag-ayos. At tiyak namang otomatik na itong mangyayari dahil iyon din ang motibo nila sa iyo. Ang perang nagastos sa isang biglaang pangyayari ay mababawi dahil mananalo ka sa isang palaro.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Salat man ang buong taon, hindi ka naman mawawalan. Magugulat ka na lang sa pagbuhos ng malaking biyaya sa iyo sa isang pangyayaring inaasahan mo at hindi inaasahan. Ang pinakamainam na pagpapala sa iyo ng Diyos ay mabuting kalusugan at kapayapaan ng isip at kalooban. Ang mga kaibigan at kaanak ay magiging kaagapay. Kaya, marami ka pa ring handa ngayong holiday season. Isang magandang balita rin ang matatanggap mo sa susunod na mga araw.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Kung baga sa parol, ikaw ‘yung pinakakumikislap-kislap ang ilaw. Ikaw ang main man, sikat at may pinakamalaking take home na pera sa opisina n’yo. Ganyan ang mangyayari sa Christmas Party ninyo. Simple ka lang at tahimik lang dapat para umamo ang suwerte. Habang gayun ay pwede mong pasimpleng gawin ang trabaho mo para may ginagawa ka kahit papaano. Para hayahay ka na lang sa mga susunod na araw.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Huwag mong isiping kalugihan ang pagbibigay ngayong holiday season. Aanhin mo naman ang napakaraming pagkain sa pridyeder, iinitin lang? Ibuburo? Ipamigay mo ang iba para mailagay mo naman ang ibang bagong pinamili. Para magkalaman naman ang pridyeder ng iba. Hindi ‘yung puro tiring ulam at pinalalalamig na tubig lang. Huwag mong ipamudmod ang perang natanggap mo bilang bonus kapag nasa impluwensya ka na ng agua de pataranta kapag reunion na. Hayaan mong mag-ambag ng iba, lalo na kung may paparlor games kayo.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Magpaunlak ka na sa alok o yaya ng iyong mga kaibigan at kakilala sa mga dadaluhang salo-salo o handaan. Mahalaga ito upang maaliw at matuwa. Baka makilala mo rin sa mga okasyong ito ang taong makakasama mo sa isang proyekto. Siyempre, ang petsa, 24, 25 at 31 ay para sa pamilya mo ‘yun. Isang kakilala ang hihingi sa iyo ng pabor. Pagbigyan siya dahil kayang-kaya mo naman ibigay iyon.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Magtataka ka ngayong araw dahil ang nobya mo pa ang magyayaya sa iyo na kumain sa labas. At ang nakagugulat pa, sagot pa niya ang gastos at siya pa ang susundo sa iyo sa pinapasukan mo. Sa gayun ay matiyak niya na sasama ka sa kanya. Gayunman, bibiglain ka niya sa kanyang sasabihin na ikagugulat mo rin. Hindi naman ito masyadong bad at hindi masyadong good. Tama lang. kaya, easy ka lang dahil may pagka-comedy ang mangyayari.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) —  Sa sobrang tuwa sa ito ng iyong bossing, baka pati medyas mo na nakasampay sa banyo ay lagyan niya ng pera. Nang dahil kasi sa kekengkuyan mo, natuwa sa iyo ang kausap niyang katransaksiyon. Ni wala pa ngang nailalabas na produksiyon ‘e may order na agad. ‘Di ba, suwerte ‘yun. Napa-oo lang ito nang bigla kang pumasok para magtimpla lang ng kape at nakita ka. Tapos, ‘yun na. Tawa na ng tawa. Pero, huwag kang maiinsulto dahil iyon talagang hatid mo sa tao.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Magiging mabunga ang araw sa masaganang biyaya kung pagbubuhusan ng todo ang iyong gawa. Magiging mabili ang produktong itinitinda kung magiging magiliw sa mga parokyano. Kung mamasko o mangangaroling, tiyaking maganda ang boses o pinaghandaan ito. Huwag basta kakanta lang para sa pera. Kailangang patas. Isapuso ang pag-awit at huwag isipin ang makukuha ng pera, dahil baka di lang pera ang ibigay sa iyo.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Huwag kang papayag na ngayong Pasko ay matawag ka pang kuripot. Nakabangon ka naman na sa kakulangan ng alat sa nagdaang dalawang taon dahil sa epekto ng pandemya. Huwag taguan ang mga inaanak. Kung kulang para sa kanila ang pera, bigyan sila ng maliit na halaga at makokotkot na pagkain. Mas mainam na ipalaman ang ham kaysa sa mamantikang tsokolate. Tutal minsan lang naman ‘yan sa isang taon.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Kung may tampuhan kayo ng kasintahan mo, huwag mo nang patagalin pa na magkabati kayo. Pero, huwag mo siyang kulitin sa simbang gabi. Sa mga single, huwag nyong gawing ligawan ang simbahan. Pagkatapos kayo ng misa dumiga. Magdala rin ng barya kahit papaano para may maibigay sa mga batang nangangalabit upang mamasko. Ang perang pinaghirapan ay sinupin para may magamit sa biglaang mga gastos.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Kung sa susuwertihin, baka sumabay pa sa a-petsa 25 ang pagluluwal ng misis mo. Pero, huwag mo naman siyang pigilan na umere na kung talagang kagampan na. Dapat yung akma lang sa panahon. Tandaan mo rin na hindi lahat ng tao ay may pera ngayong holiday season. Ang iba ay dumaan lang sa palad nila ang pera. Kaya, magbigay kahit papaano o kahit pagkain lang. Hamon para sa suman, litson para sa ubeng halaya at gulaman, fruit cake at ice cream para sa nilupak at biko.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Kung marami-rami naman ang nakaistak na pagkain o gagamitin sa Noche Buena at Pasko, huwag nang nang masyadong magbibibili ng panghanda. Ang iba ay may magbibigay naman, kahit kaibigan, kapitbahay o kaanak. Ibili ang perang budget dito para sa pagsalubong sa bagong taon. Huwag kang bibili ng paputok. Pagkaing putok-batok na lang para ma-share mo rin ang blessings mo at dodoble pa ‘yan sa susunod na taon.